Tatlong mangingisda, patay nang mabangga ng oil tanker ang kanilang bangka sa Bajo de Masinloc

By: Philip Reyes

Nasawi ang tatlong mangingisdang Pinoy matapos na mabangga ng hinihinalang isang oil tanker ang sinasakyan nilang bangka sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc, nabatid kahapon.

Hindi pa pinangalanan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang mga namatay, ngunit kinumpirmang kabilang dito ang Kapitan ng FFB Dearyn, na nasa 47 anyos lamang; at dalawang crew na nagkakaedad na edad 38 at 62, pawang residente ng Capalandayan, Subic, Zambales.


Batay sa ulat, ang insidente ay naganap dakong alas-4:20 ng madaling noong Lunes ng madaling araw, Oktubre 2.

Kasalukuyan umanong nakadaong ang FFB Dearyn, sa layong 85 nautical miles northwest ng Scarborough Shoal, o 180 nautical miles mula sa Agno, Pangasinan, nang bigla na lang itong banggain ng isang tanker, na nagresulta sa paglubog nito at pagkamatay ng mga biktima.

Nasa 11 naman sa mga tripulante ang nakaligtas sa insidente, na gumamit ng walong service boats upang makaalis sa lugar.


Dinala rin umano nila ang mga bangkay ng mga namatay na kasamahan at dinala sa Barangay Cato, sa Infanta, Pangasinan.

Ang naturang insidente ay naiulat lamang nitong Martes ng umaga.


Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, isinasailalim pa nila sa masusing imbestigasyon ang insidente ngunit base sa kanilang monitoring ay posibleng ang oil tanker na Pacific Anna, na nakarehistro sa ilalim ng Marshall Islands flag, ang maaaring nakabangga dito.

Maaari rin aniyang natutulog pa ang mga mangingisda nang maganap ang insidente kaya’t hindi nila nakita ang oil tanker.


Hindi rin aniya maganda ang lagay ng panahon nang maganap ang kolisyon.

Makikipag-ugnayan umano sila sa Pacific Anna, na patungong Singapore, kaugnay sa insidente, kasabay ng paniniyak na nakahanda silang magbigay ng tulong sa pamilya ng mga biktima.



Tags: Philippine Coast Guard (PCG)

You May Also Like