PATAY sa engkuwentro ang tatlong kasapi ng armed lawless element group nang masabat sila ng 5th Special Forces Battalion at Polomolok Municipal Police Station sa South Cotabato.
Ayon sa ulat ng Joint Task Force Central, nakatanggap ng impormasyon ang 5th Special Forces Battalion ng Philippine Army hinggil sa presensya ng mga armadong kalalakihan sa Camp Española, Purok Salol, Barangay Palkan, Polomolok, South Cotabato.
Bumuo ng rapid deployment team ang Philippine Army SF at tinunton ang sinasabing lugar kasama ang local police subalit bago nila nadikitan ang mga armadong kalalakihan ay sinalubong na sila ng sunod-sunod na putok.
Nauwi sa madugong sagupaan ang nasabing mission na ikinasugat ng isang tauhan ng PNP sa unang bugso ng putukan.
Tumagal ng 20 minuto ang putukan na nagresulta sa pagkasawi ng tatlong rebelde, habang isa naman ang nahuli. Ilang mataas na kalibre din ng baril ang nasamsam sa ginawang clearing operation sa encounter site.
Pinapurihan naman ni Lt. Gen. William Gonzales, Commander ng Western Mindanao Command, ang militar at pulisya sa pag-neutralize sa mga rebelde kaya’t hindi na ito nakapagdulot pa ng gulo sa mga komunidad.
“Rest assured that our troops will continue to support law enforcement operations with the PNP to preempt the ploys of lawless elements in our area of operation,” pahayag pa ni Lt. Gen. Gonzales.