PATAY rin ang salarin sa pamamaslang sa tatlo niyang kainuman nang magbaril ito sa kanyang sarili ilang minuto matapos niyang pagbabarilin ang mga biktima sa bayan ng Santa Marcela, Apayao.
Ito ang inihayag ng Santa Marcela Police matapos na arestuhin ang ama ng suspek dahil sa pagkuha nito Glock 17 9mm pistol na ginamit ni Norvie Pacheco, 32 anyos sa pamamaril sa mga biktima na ikinasugat ng isa pa nilang kainuman.
Sa follow-up operation, narekober umano ang Glock 17 mula sa ama ng suspek kaya nahaharap siya sa kasong obstruction of justice at paglabag ng Comprehensive Firearms and Ammunition Law dahil sa pagtatago nito ng murder weapon ginamit sa pamamaslang.—
Kinilala naman ng Santa marcela Police ang mga namatay na sina Bong Badua Ramirez, 48 anyos; Ryan Santi Soriano, 39; at Edmar Turilla Aguinaldo, 30 taong gulang , Habang ginagamot pa ang isang Stephen Salvatiera, 33 na tinamaan din ng bala.
“Pagkatapos na binaril ang mga kainuman niya, mga ilang segundo lang nagbaril din sa sarili kaya bumulagta rin siya kung saan niya binaril ang mga kainuman niya,” ani Police Lt Alvaro Secligen, chief of police ng bayan.
Sinasabing nag-iinuman ang mga biktima sa bahay ng isang kaibigan, kasama rin ang suspek nang biglang naglabas umano ng baril si Pacheco at pinaputukan ang mga biktima.
Ayon kay Police Lt Secligen, lumitaw sa imbestigasyon na wala naman umanong naging pagtatalo “Parang normal na inuman lang, kasi birthday ‘yun. Wala man lang sagutan na nangyari o kaya’y awayan basta ganun na lang na tumayo at binaril ang mga kainuman niya.”
Tama ng bala sa ulo ang agarang ikinamatay nina Ramirez at Soriano.
Nadala pa sa ospital si Aguinaldo na nagtamo rin ng tama ng bala sa ulo, pero idineklara siyang dead-on-arrival ng umasikasong doktor. (JESSE KABEL)