Ni Itchie G. Cabayan
DINAMPOT ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang tatlong menor de edad na parte diumano ng dalawang grupo ng may 20 kabataan na nag-rambol sa dalawang magkasunod na araw ng Simbang Gabi sa Quiapo, Maynila.
Napag-alaman na ang mga kabataan ay nag-riot Disyembre 16 at 17 sa kahabaan ng Quezon Boulevard sa Sta. Cruz, Maynila at dinala sa Manila City Social Welfare and Development Office matapos arestuhin ng pulisya.
Batay sa record ng CCTV, dakong alas-5 ng umaga noong Disyembre 17 ay nakita ang mga kabataan na nagjahabulan, na sinundan ng batuhan ng bote sa gitna ng kalsada, nang walang pakundangan sa mga dumadaang sasakyan at tao.
Nang madampot, ang tatlong kabataan ay napatunayang may itinagong mga patalin sa bitbit nilang mga payong.
Ayon kay Venerando Jangalay, executive officer ng Barangay 307, ginagamit ng mga kabataan ang kanilang mga payong para itago ang mga armas na gagamitin sa rumble.
Pinagplanuhan din umano ng mga kabataan ang pagtatagpo ng kanilang mga grupo sa Quezon Boulevard.
“Noong unang Simbang Gabi, nag-ipon-ipon ang mga bata doon… nagsimula na sila na nagkatitigan, ’yun ang pinagmulan eh. Tapos hindi na nagtagal, nagrambol na sila doon,” saad pa ni Jangalay.
Bunga nito ay magkasama na ngayong nagpapatrulya ang mga kapulisan at barangay personnel sa nasabing lugar.














