By: JAYMEL MANUEL
Sinibak ng Supreme Court (SC) sa kanilang tungkulin ang tatlong empleyado ng Court of Appeals (CA) na napatunayan na gumagamit ng shabu.
Ayon sa Per Curiam Decision, ng Court En Banc, napatunayan na sina Garry U. Caliwa, Edmundo T. Malit at Frederick C. Mauricio, pawang empleyado ng CA, na administratively liable dahil sa seryosong kaso ng “Use of Illegal Drugs or Substances under Section 14(o) of Rule 140 of the Rules of Court, as further amended by A.M. No. 21-08-09-SC”.
Napag-alaman na noong 2022, sina Caliwan, Malit at Mauricio ay nag-positibo sa shabu sa isinagawang random drug test ng CA na kinumpirma ng Labtox Analytical Laboratory, Inc., isang accredited laboratory facility ng Department of Health-Dangerous Drugs Board.
Kasunod nito ay nagsagawa ng imbestigasyon ang CA at isinumite ang case record sa Judicial Integrity Board (JIB),na siyang nagrekomenda sa Court En Banc na madismiss ang tatlo sa tungkulin.
Hinarang rin ng SC ang ginawang early retirement ni Mauricio kung saan n- forfeit ang kanyang retirement benefits at ang binayaran lamang ay ang naipon na accrued leave credits at ang habambuhay na diskwalipikasyon sa anumang trabaho sa gobyerno.
Sinang-ayunan ng SC ang rekomendasyon ng JIB dahil na rin sa ito ang ikalawang pagkakataon na nag-positibo ang tatlong empleyado sa isinagawang random test ng CA sa kabila nang binigyan sila ng pagkakataon na sumailalim sa treatment at rehabilitasyon.