Tatlong close contacts ng unang BA.4 case sa bansa, asymptomatic

WALA umanong nararamdaman na sintomas at pawang asymptomatic ang tatlong natukoy na close contacts ng kauna-unahang Omicron sub-variant BA.4 case sa bansa.

Ayon kay Dr. Alethea de Guzman, officer-in-charge (OIC) ng Epidemiology Bureau ng Department of Health (DOH), ang pasyente, na hindi bakunado at asymptomatic naman, ay may travel history mula sa Qatar at South Africa.


Sinabi ni de Guzman na nakakumpleto naman ang returning Filipino worker ng kanyang mandatory quarantine mula Mayo 4 hanggang 18 bago nagkaroon ng close contact sa tatlong miyembro ng kanyang tahanan, na pawang asymptomatic rin at fully vaccinated.

Nabatid sa DOH, ang testing status ng mga close contacts ay biniberipika pa nila sa ngayon.

Magugunita na sinabi ng DOH na ikinukonsidera ng European Center for Disease Prevention and Control (ECDPC) ang BA.4 na subvariant ng Omicron, bilang variant of concern (VOC).


Ito umano ay nangangahulugan na ang naturang subvariant ay maaaring mas nakakahawa o di kaya ay maaaring maging sanhi ng mas malalang karamdaman.

Muli naman nagpaalala ang DOH sa publiki na huwag balewalain ang minimum public health standards (MPHS) at magpaturok na ng bakuna at booster shots laban sa COVID-19. (Philip Reyes)


Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like