Tatlong bumbero,, kabilang ang isang opisyal ng Bureau of Fire Protection, ang nahirapang huminga sa kasagsagan ng pagresponde nila sa 12-oras na sunog sa isang bodega ng tela sa Binondo, Maynila.
Itinataya ng BFP na nasa P15 milyon ang halaga ng mga natupok na ari-arian.
Ang mga ito ay kinilalang sina FSINSP Ronald Lim, station 1 commander ng Bureau of Fire Protection (BFP); FO1 Myrthle Ruth Marquez, 30 at Excel Meneses, 42, ng Brixton Fire Volunteers.
Sila ay agad na nilapatan ng lunas at nasa maayos nang kondisyon.
Sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog sa warehouse ng MC Gold Prime Ventures Inc., na matatagpuan sa ika-walong palapag ng Ritz Royal Tower na matatagpuan sa 635 Camba St. sa Binondo, alas -9:33 ng gabi nitong Lunes.
Ang sunog ay umabot saikatlong alarma bago tuluyang nakontrol alas-4:14 ng madaling araw. Tuluyang naapula ang apoy alas -9:26 Martes ng umaga.
Nahirapan umano ang mga bumbero na kaagad apulain ang apoy dahil punung-puno ng laman ang bodegang nasusunog.
Kinailangang maghalinhinan umano ang mga bumbero sa pag-apula ng apoy upang hindi sila maubusan at kaagad na makapag-refill ng oxygen.
Iniimbestigahan ng arson division ang sanhi ng sunog kung saan walang naiulat na namatay o nasaktan.