NABULABOG at napilitang lumikas ang mahigit sa 800 pamilya sa ilang coastal barangays sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte nang magsagupa ang dalawang armadong grupo na ikinasawi ng tatlong katao,
Sa ulat ng militar at pulis, bukod sa tatlong nasawi ay may dalawa pang sinasabing sugatan sa nangyaring engkwentro matapos magbakbakan ang mga armadong grupo.
Dahil sa takot, napilitan umanong lumikas sa kanilang tahanan ang 879 pamilya mula sa Barangays Mompong, Badak, Kusiong, at Linek .
Ayon sa mga awtoridad, sumiklab ang bakbakan kamakalawa, na nakaapekto sa mahigit 1,000 sibilyan.
Base sa 6th Infantry Division (6ID), humupa na ang tensyon at wala na sa mga komunidad ang mga nagsagupang grupo.
“Ceasefire na doon, ongoing ang troubleshoot. Sinabihan na namin ang warring groups kung may hindi kayo pagkakaunawaan na daanin sa mapayapang usapan or else manindigan ang ating AFP na talagang lalansagin namin yan. So far, tumutugon naman sila at humupa na ang tensyon doon,” ani 6ID Spokesperson, Lt. Col. Roden Orbon.
Dahil sa pangyayari, naapektuhan din umano ang negosyo ng may 30 beach resort na pansamantalang isinara ng lokal na pamahalaan .
Hindi muna pinayagan ang mga apektadong pamilya na umuwi sa kanilang tahanan. Kasalukuyan silang nananatili sa tatlong paaralan at sa isang chapel, at ina-ayudahan ng provincial government.
Kinondena naman ng provincial government ang insidente habang inaalam pa kung Ridu o matagal nang hidwaan na nauwi sa armadong sagupaan.
“I call upon all individuals involved in this incident to cease the hostilities immediately. Conflict and misunderstanding can be resolved through dialogue and peaceful negotiation, not by escalating violence,” pahayag ni Governor Abdulraof Macacua.
“I urge our AFP and PNP to work diligently to suppress this turmoil and to identify all individuals responsible for instigating this conflict. We must ensure the safety of our citizens and restore a sense of security in our communities,” ani Macacua.