Arestado ng mga ahente ng National Bureau of Investigation – Anti-Organized and Transnational Crime Division (NBI-AOTCD) ang tatlong indibiduwal na gumagamit ng iba’t-ibang alyas sa isinagawang operasyon sa Quezon City.
Kabilang sa mga inaresto sina Francis Eric Candido y Gabuya na may alyas na Morgan Villaroza, Anton Devin Figueroa,Eric Drancis Candido,KarloMagno Reyes at Ryland Maman ; Michael Reyes, alyas Jun Mykel Reyes at Marcelino Javier ,alyas Alexander Suarez Fernandez, Leonardo Fajardo Carballo at Jose Marie Fuentes Mendoza .
Sila ay nahaharap sa kasong paglabag sa Access Device Regulation Act of 1998, SIM Registration Act of 2020, Cybercrime Prevention Act of 2012, 13 counts of falsification of public documents, Using Fictitious Name and Concealing True Name under the RPC at Anti-Alias Law.
Nag-ugat ang pag-aresto sa reklamo ng complainant na inatasan siya ng mga suspek na kumuha ng driver’s license gamit ang ibang pagkakakilanlan para makakuha ng bank loan.
Pinangakuan umano ng.mga suspek ang complainant na bibigyan ng P500,000 o mahigit pa depende sa loan na ibibigay sa kanila ng banko.
Sa isinagawang imbestigasyon ng NBI-AOTCD, napag-alaman na ang mga suspek ay nagre-recruit ng mga indibiduwal na pepekein ang kanilang tunay na pagkakakilanlan para makakuha ng bank loan na walang intensiyon na magbayad.
Ang mga suspek ang tutulong na makakuha ng PSA birth certificate at ng mga government identification card at license.
Sa sandaling makumpleto na ang mga pekeng IDs at license ay magbubukas ng bank account ang recruiters gamit ang pekeng identity.
Kasunod nito,uupa sila ng working space sa loob ng tatlong buwan at muling lilipat sa isang co-working space.
Napag-alaman na ang mga suspek ay lumikha ng Fuel Master Petroleum Trading Corp. (FMPTC), isang shell corporation, at naaktong employer sa kanilang recruits para palabasin na lehitimo ang kumpanya.
Magdeddeposito rin ang mga suspek ng cash sa kanilang recruits pata palabasin na tumatanggap ng suweldo mula sa.kanilang employer ang kanilang recruits at may kakayahan na.mag-loan.
Naglalagay rin ang mga suspek ng human resources at iba pang contact reference para may sasagot kapag nag-beripika ang banko.
Nabatid na noong Nobyembre 29 ,2022 nang makumpleto ng NBI ang mga ebidensiya at nagtungo sa tanggapan ng FMPTC sa Quezon City, na naging dahilan ng pag -aresto sa mga suspek.
Nakumpiska rin ng NBI ang mga IDs at dokumento na ginagamit sa kanilang iligal na aktibidad.














