Latest News

TATLO, DAKIP SA NBI SA PAGBEBENTA NG PEKENG ‘ESSENTIAL OIL’

By: JANTZEN ALVIN

DINAKIP ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Southeastern Mindanao Regional Office (NBI-SEMRO) ang tatlong katao noong Hulyo 3, 2024 sa Davao City, dahil sa pagbebenta ng pekeng essential oil.

Kinilala ang mga ito na sina Eloisa Joy Gumanit Villasencio, Gerry Marapao Taacon at Rey Helbero Omale ng Health Zoe Marketing.

Napag-alaman kay NBI Director Jaime Santiago na nagreklamo ang branch manager ng International Pharmaceuticals Inc., (IPI) laban sa Health Zoe Marketing dahil sa umano’y paglabag sa RA 8293 na kilala bilang Intellectual Property Code of the Philippines.

Sinabi ni Santiago na ang Health Zoe Marketing ay iligal na nagpapamahagi ng “Vaporin” essential oil gamit ang IPI registered mark.

Nang suriin sa laboratoryo ang biniling pekeng Vaporin ay hindi ito tumugma sa amoy, bigat at pagsusuri ng orihinal na Vaporin.

Kaugnay niyan ay agad na nagkasa ng entrapment operation ang NBI-SEMRO operatives sa tulong ng IPI personnel noong Hulyo 3, 2024 sa Regina Commercial Complex, C.M. Recto, Davao City.

Nakipag-transaksiyon sa Health Zoe ang poseur-buyer ng NBI kung saan umorder ito ng 300 piraso ng 10 ml bote ng pekeng Vaporin.

Sa aktong nag-aabutan ng produkto at pera ay saka inaresto ang suspek ng mga ahente ng NBI.

Samantala, sinampahan na ng.kasong paglabag sa RA 8293 ang mga suspek sa Davao City Prosecutor’s Office.

Tags:

You May Also Like

Most Read