TATLO, ARESTADO SA PEKENG PWD ID

By: Jerry S. Tan

INARESTO ng mga awtoridad ang tatlong katao dahil sa pamemeke ng mga identification cards (IDs) ng persons with disability (PWD) at iba pang dokumento, sa isang entrapment operation sa Sta. Cruz, Maynila nitong Miyerkules ng gabi.

Nakapiit na ang mga suspek na nakilalang sina Marites Esedera, 34; Erdie Macaspac, 49, at Michelle Janaban, 31, pawang residente ng Sta. Cruz, Manila.

Ayon sa ulat ng Manila Police District (MPD), dakong alas 5:40 ng hapon nang salakayin ng mga tauhan ng MPD-DID Tracker team sa pangunguna ni PCapt. Joel Aquino at sa pangangasiwa ng hepe nito na si PLTCol. John Guiagui, ang isang maliit na silid sa Barangay 310, sa Quezon Boulevard sa Sta. Cruz, matapos na makatanggap ng tip hinggil sa pamemeke ng PWD IDs doon.


Kaagad na nagkasa ng entrapment operation ang mga suspek at inaresto ang mga suspek.

Nakumpiska mula sa mga suspek ang mga kagamitan sa paggawa ng pekeng IDs kabilang na ang computer set; printer; isang pakete ng paper vellum; metal ruler at cutter; gayundin ang ilang pirasong pekeng PWD IDs at P700.

Ayon sa pulisya, kabilang sa mga pekeng PWD IDs na iniimprenta ng grupo ay mga inisyu sa ilang siyudad sa Metro Manila, kabilang ang Maynila, Quezon City, Pasig, at Muntinlupa at maging sa Angat, Bulacan.

Napag-alamang sinimulan ng mga suspek ang ilegal na aktibidad noong nakaraang taon, sa halagang P100 bawat isang pekeng ID kung direktang ipapagawa, at P200 kung dumaan sa ‘fixer’.


Diumano, ang template ng pinepekeng IDs ay mula mismo sa fixer o sa kostumer at kinokopya lamang nila.

Bukod aniya sa pekeng PWD IDs, gumagawa rin sila ng iba pang pekeng dokumento gaya ng birth certificate, transcript of records at certificate of employment.

Ang mga suspek ay mahaharap sa kasong falsification of public documents at manufacturing and possession of instruments of implements for falsification sa piskalya, ayon kay Guiagui.


Tags: Manila Police District (MPD)

You May Also Like

Most Read