Tatlo, arestado sa P250K na pekeng yosi

Arestado ng mga tauhan ng Manila Police District-Police Station 6 ang tatlong katao, kabilang ang isang babae, dahil sa pagbebenta ng mga pekeng sigarilyo sa online, kamakalawa ng hapon sa San Andres Bukid, Maynila.

Kinilala ni PLt.Col Orlando Miranda, Jr.,ang mga suspek na sina Jerome Pagobo,31,construction worker, ng 2525 Onyx St., San Andres Bukid; Elma Facunda,45,ng 2515 Radium St.,San Andres, Bukid; at Cesar Piastro Jr.,36 ng 2580 Granate St., San Andres Bukid.


Ang pag-aresto sa suspek ay nag-ugat sa reklamo ni Xyrus Villanueva,41 ,negosyante at taga-San Fernando LaUnion City.

Nabatid na nagkaroon umano ng transaksiyon ang biktima sa mga suspek sa pamamagitan ng Facebook Market Place kung saan bumili ang biktima ng 110 reams ng sigarilyo sa halagang P93,000.

Nagkasundo ang suspek at biktima na magkita sa Rubi corner Estrada Streets sa.San Andres Bukid.


Gayunman,nadiskubre ng biktima nang buksan ang kahon na kalahati lang ang laman at may nakitang pagkakaiba sa orihinal na pakete ang sigarilyo kaya nagreklamo ito sa MPD-PS6.

Nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya at naaresto ang mga suspek, kung saan nasamsam pa sa kanila ang ilang kahon ng sigarilyo na nagkakahalaga ng mahigit P150,000.


Ang mga suspek ay nasa kustodiya ng MPD-PS 6 at nahaharap ngayon sa kasong estafa by means of deceit sa Manila Prosecutor’s Office. (Carl Angelo)


Tags: Manila Police District-Police Station 6

You May Also Like