Bumuo na ang Department of Justice (DOJ) ng isang task force upang imbestigahan ang mga abogado ng Bureau of Immigration (BI) na maaari umanong konektado sa visa issuance ng mga pekeng kumpanya.
Nauna rito, inianunsiyo ng BI na ni-relieved na ang apat na abogado nila na umano’y maaaring sangkot sa pag-iisyu ng mga pre-arranged employment visa o yaong tinatawag na 9G visa sa mga pekeng korporasyon.
Nabatid na ang 9G visa ay required para makapagtrabaho ang mga foreign nationals sa bansa.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DOJ Spokesperson Mico Clavano na, “We will have to be patient with the independent investigation by DOJ, together with the NBI, para malaman talaga natin kung ano talaga— gaano kalalim itong problema na ito.”
Target aniya ng DOJ na maimbestigahan ang huling limang taon ng operasyon ng mga ito.
Aniya pa, “And then given kung ano yung makita natin doon, baka mag-extend pa ‘yan para makita talaga natin kung gaano katagal na itong operation na nangyayari.”
Samantala, sinabi rin ni Clavano na iniimbestigahan rin ng DOJ ang sitwasyon ni Taiwanese na si Lin Jyun-Ze.
Si Lin ay nahulihan ng 9G visa at naaresto kasama ang Taiwanese fugitive na si Yuan Bo-Chun.
Saad ni Clavano, sa pag-aresto ay nadiskubre ng mga awtoridad mga operasyon sa online scamming, gambling, illegal drugs, SIM cards, mga armas at mga IDs.
Aniya, nais matukoy ng DOJ kung paano nila nakuha ang mga naturang IDs at kung ano bakit iba-iba ang mga pangalang nakalagay ditto.
Aalamin rin umano kung bakit kailangan nito ng iba-ibang government IDs.
Tinutukoy pa naman umano nila kung ano ang mga kasong isasampa laban sa dalawang naarestong dayuhan.
Kumpiyansa naman si Clavano na sa pamamagitan ng imbestigasyon ay matutukoy kung sino ang nasa likod ng mga sindikato dahil hindi naman aniya ito magagawa ng mga dayuhan kung wala silang backer.