TASK FORCE MANILA SHIELD ACTIVATED

MULING binuhay ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippine ang “Task Force Manila Shield” bilang bahagi ng security preparations sa unang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Bongbong Romualdez Marcos, Jr. ngayong Lunes ng hapon, July 25.

Una nang nagpasya sina PNP Officer- in -Charge Police Lt. Gen. Vic Danao, Jr. at PNP Directorate for Operations (DO) chief, PMaj. Gen. Val De Leon, na magsagawa ng security adjustment matapos na payagan Quezon City government ang militanteng grupo na magsagawa ng kanilang kilos-protesta sa bahagi ng Commonwealth Avenue sa umaga hanggang bago mag-tanghali.

Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, kahapon pa ay nagsimula na silang maglatag ng mga random checkpoints sa mga entry points papasok ng Metro Manila.


Habang ngayong madaling araw (Lunes) ay naka-deploy na rin ang lahat ng kanilang mga tauhan sa lahat ng checkpoints sa paligid ng Batasang Pambansa.

Kinumpirma ni PNP Directorate for Operations (DO) chief PMaj. Gen. Val De Leon na kailangan nilang mag-adjust sa inilatag nilang seguridad kasabay sa pagtiyak na may sapat na bilang ng mga pulis at force multipliers na magbibigay seguridad sa bahagi ng Commonwealth Avenue.

Nasa 22,000 police personnel, kasama na ang mga sundalo at force multipliers, ang magbibigay seguridad sa SONA ni Pangulong Bongbong Marcos para matiyak ang kaligtasan ng Presidente, ng First Family at lahat ng mga dadalong bisita sa Batasan Complex hanggang sa makabalik ng Malacanang si PBBM.

Wala pa namang natatanggap na anumang banta sa seguridad ang PNP isang araw bago ang SONA.


Umapela naman ang PNP sa mga organizers na panatilihin ang peace and order kasabay ng pahayag na istriktong ipatupad ng kapulisan ang maximum tolerance sa mga rallyists.

Nagpasalamat naman ang PNP sa QC-local government unit sa pagsuspinde ng klase sa lahat ng antas sa siyudad para bigyang daan ang SONA ngayong Lunes dahil malaking bagay at tulong sa PNP ang pagsuspinde ng klase para mapanatili ang kaayusan.

Napagkasunduan din na susunod sa minimum health protocols ang mga protesters. Una rito ay hinihikayat ng PNP ang mga organizers at mga nagkikilos-protesta na kung maaari ay sumalang sa RT-PCR Test.

Ayon kay General de Leon, ito ay upang hindi magkaroon ng hawaan ng COVID-19 lalo na’t kasalukuyang tumataas ang kaso nito.


Aniya, ang kanilang mga tauhan na made-deploy o magbabantay sa SONA ay nauna nang sumalang sa swab test kung saan hinihintay na lamang ang resulta nito

Kaugnay nito, binalaan ng PNP ang mga magsasagawa ng rally na handa silang buwagin o arestuhin ang mga ito sakaling lumabag sila sa ipinapatupad na minimum health protocols kontra COVID-19.

 

Samantala, mula nang ipatupad ang gun ban sa buong Metro Manila noong Biyernes ay umabot na sa siyam ang naaresto ng mga pulis habang anim na baril at iba pang deadly weapons ang nakumpiska. (VICTOR BALDEMOR)

Tags: hilippine National Police at Armed Forces of the Philippine

You May Also Like

Most Read