MABILIS na kumalat ang balitang bubuwagin ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang 700-strong Task Force Davao, kaugnay sa napipintong pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kasunod ng kanyang naging pahayag na ihihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.
Agad itong pinabulaanan ng AFP Eastern Mindanao Command at maging ng liderato ng Hukbong Sandatahan kahapon.
Ayon kay Col Rosa Ma. Cristina Rosete-Manuel, ang taga pagsalita ng EASTMINCOM, “there are no instructions whatsoever coming from higher headquarters to remove Task Force Davao from its present mandate.”
Maging ang AFP ay hindi pinatulan ang lumutang na ‘impending arrest’ kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kaya bubuwagin ang Task Force Davao na nasa supervision ng Task Force Haribon ng AFP EASTMINCOM, kasunod din ng ginawang post ni Atty Harry Roque sa social media.
Sa post ni Roque ay inihayag nitong tinawagan siya ni PRRD kaugnay sa gagawing pagbuwag sa Task Force Davao na pinaniniwalaang loyal sa dating Pangulong Duterte at kasunod nito ang nakaambang pagdakip sa dating Pangulo.
“Kasi tinawagan ako ni Tatay Digong at ang sabi niya, nakakuha siya ng impormasyon…ay baka siya arestuhin. Pero siyempre alam nila na loyal sa mga Duterte itong Task Force Davao… well ‘yan po ang ugong-ugong ngayon — na bubuwagin daw ang task force Davao,” bahagi ng post ni Roque.
Tahasang itinanggi ng pamunuan ng AFP, ayon kay Col Francel Margareth Padilla, ang pagbuwag sa kahit anong task Force na naka-depende umano sa kasalukuyang banta sa kanilang nasasakupan.
“We operate on the current threats so with our command conference that was conducted we are always reviewing the current threats that we are facing, and because syempre we transition from internal security operations to territorial defense then we also tweak the organization accordingly,” aniya..
Sinabi pa ng AFP spokesperson na: “it depends po, it’s going to go through a review and of course the veracity of whether what will come out, new units or old units will be depending on the threats.”
Wala rin umanong katotohanan na ito ang dahilan kaya nagtungo si AFP chief General Romeo Brawner sa Davao kamakailan.
Hindi rin umano kailangan pang maglabas ng kanilang posisyon ang AFP hinggil sa pinalutang na isyu hinggil sa Mindanao cessation dahil malinaw ang mandato ng AFP.
“The AFP is bound by our mission to protect the people and secure the state and protect the sovereignty of the, our Philippine archipelago sir, ” ani Col. Padilla, kaya wala ring basehan pa para magsagawa ng loyalty check sa kanilang hanay na nananatili umanong isang united professional organization.