Iniutos ni National Bureau of Investigation Director (NBI Director) Medardo De Lemos ang pagbuo ng Task Force na magsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa natagpuang putol-putol na bahagi ng katawan ng tao na iniwan malapit sa gate ng NBI- Bacolod Office.
Napag-alaman kay De Lemos na ang Task Force ay pamumunuan ni Atty. Jose Justo S. Yap, Deputy Director for Operations.
Inatasan ni De Lemos ang Task Force na alamin kung sino ang nagtapon ng putol-putol na katawan ng tao.
Ang sako na naglalaman ng putol-putol na bahagi ng katawan ay unang nakita ng may-ari ng iang tindahan sa tapat ng opisina ng NBI.
Una umanong inakala ng babaeng tindera na frozen food ang laman ng sako na nalaglag sa sasakyan ng NBI.
Inatasan umano ng babae ang NBI volunteer na ibalik ang sako malapit sa NBI-BACDO gate at saka ipinaalam sa isang NBI Job Order (JO) employee, na siyang nagbukas ng sako at dito na nakita ang putol na kaliwang braso,kaliwang hita.
Ipinaalam naman sa NBI-BACDO Agent-in-Charge ang nakita at ito ang siyang tumawag sa Police Station 2 at isinailalim ng PNP ang kustodiya sa putol- putol na katawan ng biktima.














