Isinampa sa Commission on Elections (COMELEC) ang reklamong ‘material misrepresentation’ laban kay Governor Susan Yap na isang election offense, pagkansela ng kanyang Certificate of Candidacy at pag-alis sa kanya sa listahan ng mga kandidato sa darating na May 2025 national and local elections.
Ang reklamo ay inihain ng mga officials ng Brgy. Tibag, Tarlac City na sina Punong Barangay Jay-Ar Capulong Navarro at mga barangay kagawad na sina Larry Espinosa, Mark Campos, Remigio Tabane, Jovelyn Navarro, Wilson Sapad at Dave Basilio.
Sa kanilang reklamo, inilahad ang mga patunay ng pagkakaroon ng material misrepresentation ni Gov. Yap nang nagpakita umano ng tahasang intensyon na linlangin ang publiko na siya ay kwalipikadong tumakbo bilang Mayor ng City of Tarlac.
Isinasaad umano ng batas ang kwalipikasyon pagdating sa residency ng isang kandidato na itinuturing na material representation sa pagsusumite ng Certificate of Candicacy (COC) o pagtakbo sa anumang elected position upang malaman kung saang lugar ito iboboto. Ang residency ay ang lugar kung saan ang kandidato ay may intensyong manirahan at kung saan nakikita ito nang personal.
Sa kanyang COC, isinulat ni Gov. Yap na ang kanyang residence ay sa Immaculate Concepcion Subd., Brgy. Tibag, Tarlac City. Hindi totoo ang impormasyong ito, na siya namang inihayag ng mismong kaalyado at kapartido ng Governor na si Maria Antonette Belmonte. Lantarang sinabi nito na hindi naman sa Brgy. Tibag nakatira ang Governor.
Ayon sa mga nagreklamo, sa loob ng mahabang panahon ay hindi man lamang nila makita ang governor sa idineklara nitong tirahan.
Ang mga duda hinggil sa kanyang residency ay nag-ugat noong November 6, 2024 nang isang kawani ng kapitolyo ang nagsadya sa Barangay Tibag upang humingi ng Certification of Residency para kay Gov. Yap na diumano ay nakatira sa nasabing address. Nang puntahan ito, bumulagta ang mga naka-plastic na mga bigas, mga patong-patong na mga kahon, roll-up door at walang mga residential fixtures- palatandaan ng isang bodega na hindi lumalarawan sa isang tirahan.
Dahil hindi nila maberipika kung sadyang ang governor ay doon nga naninirahan dahil ang nakita nila ay isang bodega na hindi akma bilang residence kaya’t hindi sila nag-issue ng certificate of residency.
Sa opisyal na talaan ng barangay na regular na ina-update alinsunod sa Local Government Code, nakumpirma na walang rekord ng paninirahan ni Gov. Yap sa Barangay Tibag. Maging sa Annual Residency Survey mula 2021-2024 ng barangay Health Worker ay walang nakatira sa nabanggit na bodega. Pinatunayan pa umano ito ng guwardiya na walang nakatira sa nabanggit na bodega o sinasabing tirahan ni Gov. Yap.
Ang mga Yap ay dating naninirahan sa bayan ng Victoria, Tarlac na kung saan naging mayor pa ang kanilang ama na si late Governor Aping Yap. Ngunit nang nakabili ang kanilang ama ng rancho sa San Jose, Tarlac ay pinakansela na nila ang kanilang rehistro sa Victoria at lumipat na ang mga ito sa bayan ng San Jose at ngayon naman ay nais ni Gov. Susan Yap na palabasing sa Tarlac City naman manirahan.
Sa kanyang estado at bilang isang Governor na nanungkulan sa loob ng tatlong termino, kataka-taka umano na ang isang tulad niya ay sa isang bodega lamang maninirahan. Hindi rin ito nakikilahok sa mga aktibidad ng barangay.
Sinadya diumano ang material misrepresentation upang linlangin ang publiko na siya ay kwalipikado sa public office.
Umaasa ang mga nagreklamo na manaig ang batas at hindi dapat magpatuloy ang panlilinlang mula sa isang Gobernador.














