Plano ng Philippine National Police na maglagay ng dalawa hanggang apat na tauhan ang PNP-Highway Patrol Group (HPG) sa bawat local checkpoint sa bansa.
Ito ay kasunod na naitalang ‘road rage’ sa Antipolo, Rizal na nauwi sa pamamaril at ikinasawi ng isang rider at ikinasugat ng apat na iba pa, na nag-ugat lamang sa gitgitan at habulan.
Ayon kay HPG spokesperson Lt. Nadame Malang, manggagaling ang mga karagdagang personnel mula sa 86 Provincial Highway Patrol Group bilang pagtalima sa kautusan ni PNP Chief Gen. Rommel Marbil.
Layunin ni Gen. Marbil na higit pang palakasin ang seguridad at pagbabantay sa mga border control, lalo na ngayong election period.
Ayon sa heneral, karaniwang mga ordinaryong pulis lamang ang nakatalaga sa mga checkpoint at wala silang temporary operator’s permit mula sa LTO.
Sinasabing ang nasabing hajbang ay bunsod na rin ng insidente ng road rage sa Antipolo City, kung saan may dalang baril ang suspek kahit pa may umiiral na COMELEC gun ban.
Naharang ng mga humabol na pulis ng Antipolo ang suspek sa nag-viral na insidente ng road rage dahil sa Comelec checkpoint, subalit nilinaw ng tagapagsalita na mananatili ang pagpapatupad ng ‘plain view doctrine’ sa mga nakalatag na checkpoint, anuman ang uri ng sasakyan—motor man o four wheel vehicle.














