Marami ang pinabilib ng dating kapatid sa pamamahayag at ngayon ay Senador Erwin Tulfo, dahil sa ipinakita nitong prinsipyo at tapang para manindigan sa tama.
Una, nang dinepensahan nito si Senator Risa Hontiveros matapos maliitin ni Senator Rodante Marcoleta ang babaeng mambabatas bilang walang ‘legal background.’ Abogado si Marcoleta.
“Eto po ang nahirap kasi pag wala tayong legal background,” ani Marcoleta na ang pinatutungkulan ay si Hontiveros.
Agad na tumayo si Sen. Tulfo at nag-raise ng point of order. Aniya, “ad hominem! Di po tama sabihin na ang kasamahan niya ay walang alam sa batas.”
Nag-ugat ang mainit na palitan sa mosyon ni Marcoleta na payagan ang paglahok at pagboto ng mga Senador kahit hindi sila physically present sa plenaryo, sa pamamagitan ng remote means gaya ng teleconferencing o video conference.
Bilang pagtuligsa sa gusto ng mayorya na palitan ang rules noon ding araw na iyon, matapang ding ibinulalas ni Sen. Erwin ang isang bagay na sa totoo lang ay tumatakbo din sa isipan ng marami, subalit wala nga lang maglalakas-loob na ibulalas talaga,
English ang ginawang pagkuwestiyon ni Sen. Erwin pero pag isinalin sa Pilipino, ganito ang sinabi niya: “Ang tanong ko, bakit minamadali? Bakit nagmamadali ang mayorya na talakayin ang mosyon at i-divide ang House, Madam President?” O baka naman nagmamadali sila dahil sa news reports na malamang, dalawa sa ating mga kasamahan ang maaring makulong ngayong weekend?
Idinagdag pa niya: “Bakit tila nagmamadali na payagan ang pagboto through teleconferencing ng mga Senador? May force majeure ba? May national emergency? Yan ang tanong ng minorya. Yan ang tanong ng taumbayan. Di po tayo papayag na basta-basta na lamang ganituhin ang Senado.”
Ipinunto din niya na ayon sa rules ng Senado, pupuwede lang ang teleconferencing kapag oras ng pandemya o national emergency o force majeure gaya ng natural disaster o giyera, halimbawa.
Aniya sa isang interview, wala namang magiging pakinabang ang nakararaming Pilipino sa pagpapalit ng rules ng Senado kundi ang mga kasamahang Senador ng mayorya lamang at ang mayorya mismo. Tapos, kumakain ng napakaraming oras ang diskusyon ukol dito, gayong hindi naman nito malulutas ang kagutuman, kawalan ng trabaho at iba pang problema na kinakaharap ng mga kababayan natin.
Para kay Sen. Erwin, niloloko lang ng mga Senador ng mayorya ang taumbayan sa minamadali at ipinipilit na pagpapalit ng rules ng Senado para lamang masiguro na si Sen.Bato dela Rosa at ang dalawa pang Senador na maaring maaresto sa mga darating na araw, ayon kay Ombudsman Boying Remulla.
Ipinunto ni Sen. Erwin na kung papayagan ang mga Senador na nakakulong na makalahok at makakaboto pa din sa anumang dapat pagbotohan sa mga aktibidad sa Senado gamit ang laptop o cellphone, hindi umano ito patas sa mga libo-libong ordinaryong PDL o persons deprived of liberty na hindi pinapayagang makagamit ng cellphone o internet habang sila ay nakakulong.
Hindi rin umano ito patas para sa mga ordinaryong manggagawa na nagpapakahirap mag-commute para makarating sa trabaho, habang ang mga Senador na pinasasahod ng taumbayan ay pupuwedeng sa loob lang ng airconditioned na kwarto magtrabaho sa loob ng kanilang bahay.
Higit sa lahat, hindi umano patas para sa mga Pilipinong kailangan ng tulong ng gobyerno at nagpapasweldo sa mga Senador. Mula daw kasi nang magpalit ng liderato ang Senado ay nauubos ang oras ng mga Senador sa mga bagay na hindi makakatulong sa kanila at para lang sa personal at pang-grupong kapakinabangan ng ilan.
Hinayang na hinayang si Sen. Erwin sa mga dumadaan na panahon, lalo pa’t kasama sa mga nabinbin ang panukala ni Sen. Risa Hontiveros na ipagbawal ang pagdetine sa pasyente o kasama nito kapag hindi sila nakabayad sa ospital sa tamang oras.
Binanggit pa ni Sen. Erwin na umaabot pala ng P300,000 kada buwan ang sweldo ng isang Senador puwera pa ang allowances. Tapos, pupuwede siyang sa bahay lang magtrabaho? Unfair nga talaga lalo na sa mga manggagawa na pag di nakapasok ay di susuweldo.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.














