Muling nagbabala si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco sa publiko laban sa mga pekeng immigration agents na nangha-harrass umano ng mga dayuhan sa bansa.
Ito ay matapos na makatanggap ng mga ulat si Tansingco na may mga indibidwal na nagpapanggap na empleyado ng BI at nangha-harass ng mga foreign nationals, na tinatangka nilang kikilan o hingian ng pera.
Nakatanggap umano ito ng hiling na beripikahin ang isang mission order na umano’y inisyu ng BI at ang target ay mga foreign nationals sa Makati City.
Pinabulaanan ni Tansingco na naglabas siya ng mission order at nang beripikahin sa kanilang rekord ay nakumpirma na peke ang naturang dokumento at aniya, ang lahat ng mission orders laban sa subject na foreign nationals ay palagiang tukoy ang taong target.
Hindi rin aniya ito maaaring gamitin upang i-harass ang mga dayuhan at ilang ulit na rin aniyang naglabas ang BI ng mga babala laban sa modus operandi na kinasasangkutan ng mga pekeng empleyado na nangingikil ng pera sa mga dayuhan.
Samantala, pinayuhan naman sila ni Tansingco na direktang mag-request ng beripikasyon ng mga kautusan sa BI, sa pamamagitan ng contact information na matatagpuan sa kanilang mga website sa www.immigration.gov.ph.














