MATAPOS tangkaing tulungan ang kaibigan na hinahabol ng kanyang mga nakaaway kahapon ng madaling araw sa panulukan ng Jose Abad Santos Avenue at Tayuman St.Tondo,Maynila, napatay ang isang 39-anyos na lalaki matapos barilin ng kaaway ng kaibigan.
Ayon kay Pat.Butch Baladjay ng Manila Police District -homicide section, ang biktima na si Edwin Gonzalez, ng 2751-B Jose Abad Santos St., Tondo, Maynila, ay nasawi dahil sa tama ng bala sa ulo.
Naganap ang insidente alas- 2:40 ng madaling araw sa harap ng Venus Star Sewing Center sa nabanggit na lugar.
Diumano, nakasakay ang biktima sa isang tricycle kasama ang kaibigan na si Jhaylord Villalon nang makita nitong hinahabol ng gunman at isa pang suspek ang kaibigan nitong si Sonny Guevarra.
Bumaba umano ng tricycle ang biktima upang tulungan ang kaibigan na hinahabol pero nang makita siya ng suspek na tutulong ay kaagad itong bumunot ng baril at pinaputukan sa ulo ang biktima.
Samantala, patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang mga suspek para papanagutin sa krimen.