Nasunog nang halos isang oras kahapon ng umaga ang tanggapan ni Manila Vice Mayor Chi Atienza na matatagpuan sa ikalawang palapag ng gusali ng Manila City Hall sa Ermita, Maynila.
Sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog alas-5:38 ng umaga at idineklara itong ‘fire out’ alas- 6:21 ng umaga.
Napag-alaman na sa kisame nagsimula ang sunog na nalamang nabasa sa katatapos na malakas na pag-ulan.
Wala namang naiulat na nasaktan o nasawi nang mangyari ang sunog, dahil wala pang empleyado ang nabanggit na tanggapan nang maganap ang sunog.
Maliban sa ilang kagamitan ay wala din umanong mga importanteng dokumento na nasunog.














