TATLONG Simbahang Katoliko sa bansa ang idineklara na ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) bilang national shrines.
Napag-alaman na nagkasundo ang mga obispo na iangat ang antas bilang national shrines ang Archdiocesan Shrine of Mary, Queen of Peace o EDSA Shrine at ang Archdiocesan Shrine of Our Lady of Loreto, na sakop ng Archdiocese of Manila, gayundin ang Diocesan Shrine of Our Lady of Aranzazu sa Diocese of Antipolo.
Ang desisyon ng CBCP ay ginawa nitong Sabado, na siyang unang araw ng idinaos nilang plenary assembly sa Santa Rosa, Laguna, na dinaluhan ng higit sa 70 obispo at pormal nang natapos nitong Lunes, Enero 27, 2025.
Ayon sa CBCP, ang national shrine ay isang banal na lugar na kinikilala ng Simbahang Katolika dahil sa historical, spiritual o cultural significance nito, na kalimitang may kaugnayan sa popular na debosyon, mahalagang religious events, mga milagro at aparisyon.
“It is also designated to promote the faith through exemplary liturgical celebrations, pastoral care, and dedicated ministry to the faithful,” ayon sa CBCP.
Bago makamit ang estado bilang national shrine, kailangan munang maitalaga ang isang Simbahan bilang diocesan shrine ng isang lokal na obispo o arsobispo.
Kailangan rin na ang isang Simbahan ay maging isang pilgrimage site para sa isang partikular na kabanalan, nag-aalok ng superior worship, Christian formation at social services.
Sa sandaling matugunan ang mga kondisyong ito, maaari na umanong magpetisyon ang parokya para sa canonical elevation.
“If devotion grows, the diocesan shrine may then petition the national conference of Catholic bishops for recognition,” anang CBCP.
Napag-alaman na sa Pilipinas, ang CBCP ang nangangasiwa sa mga requirements para maging isang national shrine ang isang Simbahan.














