Latest News

TALAMAK NA SEXUALLY-TRANSMITTED DISEASES SA MGA POGO WORKERS, NAKAKABAHALA

By: Victor Baldemor Ruiz

LUBHANG nababahala ang pamunuan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa talamak na kaso ng sexually- transmitted diseases sa hanay ng Philippine offshore gaming operator (POGO) workers.

Ayon sa ahensiya, nakakabahala ang umano’y pag-positibo ng maraming mga dayuhang manggagawa ng POGO sa iba’t-ibang sexually-transmitted disease.


Ito ay sa gitna ng ulat ng health department na patuloy na paglobo ng human immunodeficiency virus cases sa Pilipinas. Sinasabing halos araw araw ay may naitatalang HIV cases ang kagawaran.

Ayon kay PAOCC executive director Gilbert Cruz, umabot na sa 66 na naarestong POGO workers ang nagpositibo sa mga mapanganib na sakit na kinabibilangan ng human immunodeficiency virus, syphilis at hepatitis B.

Nangangamba rin ang opisyal dahil mayroon pang hanggang 9,000 dayuhang manggagawa sa mga POGO hub ang posibleng pagala-gala.


Sinasabing kinakailangang madakip ang mga ito sa lalong madaling panahon upang masuri kung positibo rin sila sa nakakahawang sakit, at nang hindi lalong lumaki ang krisis na dulot ng mga ito.

Ayon sa PAOCC chief, hindi alam ng pamahalaan ang ginagawa ng mga ito araw-araw at posibleng sa halip na magpagamot sila ay posible aniyang lalo lamang silang magkakalat ng sakit.


Sa kasalukuyan, mayroong 700 dayuhan ang naghihintay ng deportation habang nasa loob ng PAOCC detention facility sa Pasay.

May isang banyaga na rin umano ang nasawi dahil sa kumplikasyon sa HIV, batay sa record ng komisyon.


Tags: Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC)

You May Also Like

Most Read