By: JANTZEN ALVIN
Naging matagumpay, mapayapa at maayos ang idinaos na plebisito sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kamakalawa, na nagresulta sa paglikha ng walong bagong munisipalidad mula sa 63 barangay sa North Cotabato.
Iniulat ng Commission on Elections (Comelec) na dakong alas-7:00 ng umaga nang simulan ang botohan at natapos ito ganap na alas-3:00 ng hapon habang nakumpleto naman ang canvassing dakong alas-6:00 naman ng gabi.
Lumitaw sa voter’s turnout report na mula sa kabuuang 89,594 na mga rehistradong botante mula sa 63 barangay sa anim na bayan ng Cotabato Province, umabot sa 72,658 o 81.1% ang bumoto sa plebisito.
Sinabi ng Comelec na sa naturang registered voters, 72,358 ang mga bumoto ng ‘Yes’, o pabor na ratipikahan ang paglikha ng walong bagong munisipalidad; 103 ang bumoto ng ‘No’ o tutol sa pagbuo ng walong bagong munisipalidad at 27 naman ang nag-abstain.
Kaugnay ng ratipikasyon at alinsunod na rin sa Bangsamoro Autonomy Act Nos. 41 hanggang 4, napag-alaman na walong bagong munisipalidad sa BARMM ang papangalanang Pahamuddin na may 12 barangay; Kadayangan na may pitong barangay; Nabalawag na may pitong barangay; Old Kaabakan na may pitong barangay; Kapalawan na may pitong barangay; Malidegao na may pitong barangay; Tugunan na may siyam na barangay at Ligawasan na may pitong barangay.
Nagpasalamat ang Comelec sa pamumuno ni Chairman George Erwin Garcia sa kanilang mga partner agencies, kabilang ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), gayundin sa buong suporta ng mga local government units (LGUs).
Aniya, dahil sa kanilang tulong ng mga ito ay naging matagumpay ang pagdaraos ng nasabing plebisito.