Taguig, naghatid ng ‘Love Caravan’ sa Embo barangays

By: JANTZEN ALVIN

Naghatid ng mga serbisyong pangkalusugan ang Taguig City Government para sa mga residente ng EMBO barangays, sa pamamagitan ng kanilang Love Caravan.


Nabatid na nitong Sabado, nagtungo ang mobile health center ng lokal na pamahalaan sa Brgy. West Rembo at napagkalooban ng serbisyong pangkalusugan ang nasa 2,000 residente doon.

Inaasahang mag-iikot rin ang naturang mobile health center sa iba pang EMBO barangays sa mga susunod na linggo, upang mailapit ang mga serbisyo ng lungsod sa mga residente.

“Kilala po ang ating administrasyon sa pagiging Loving at Caring sa kanyang mga mamamayan. Hindi po natin gusto na palaging pinapapunta ang tao sa atin, ang gobyerno sa lokal na pamahalaan ng Taguig ang siyang talagang bumababa sa mga barangay at inaabot ang ating mga purok, dahil ang gusto po natin maramdaman ng mga residente na tayo po ay handang magmalasakit at tumugon sa mga pangangailangan,” ayon kay Mayor Lani Cayetano, sa isang mensahe.


Aniya pa, ang mga Taguigueños na naninirahan sa mga EMBO areas ay madali nang makaka-access ng malawak na libreng medical services, kabilang na ang consultations, OB-Gyne services para sa mga buntis at mga may gynecological problems, pharmacy services, at diagnostics at laboratory services gaya ng CBC, urinalysis, Random Blood Sugar (RBS), blood typing, Chest X-ray, ECG, at ultrasound.

Bilang karagdagan, magkakaloob rin ang mobile health center ng vital healthcare services gaya ng free maintenance medicines at flu quadrivalent vaccinations para sa senior citizens, mga buntis, indibidwal na may comorbidities, at healthcare workers.


Available na rin ang mga HPV vaccines para sa mga nagkaka-edad lamang ng 9 hanggang 14-anyos.

Para naman sa dental care, maaaring i-access ng mga residente ang tooth extraction at pharmacy services.


Mayroon rin umanong alok na nutrition services kabilang na ang cooking demonstrations ng mga healthy meals at pamamahagi ng mga gulay at iba pang mahahalagang panangkap.

Magpapasilidad rin ang Love Caravan ng registration at distribution ng IDs para sa Persons with Disabilities (PWDs) sa pamamagitan ng Persons with Disabilities Affairs Office (PDAO) at ng Senior Citizens sa pamamagitan ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA).

Samantala, ang City Social Welfare and Development (CSWDO) naman ay mamimigay ng wheelchairs, mga tungkot at burial assistance, at tutulong sa registration sa Philhealth ng Masa.



Tatanggap rin anila ang Love Caravan ng aplikasyon sa ilalim ng L.A.N.I. Cares Program na nagkakaloob ng health support at iba pang uri ng suporta sa mga mahihirap, marginalized, at vulnerable sectors ng lungsod.

Ang schedule ng Taguig Love Caravan ay araw-araw na nakapaskil sa I Love Taguig Facebook page.

Tags: Taguig City Government

You May Also Like