Latest News

Taas-sahod sa CALABARZON at Central Visayas aprubado na

By: Carl Angelo

Aprubado na ang umento sa sahod para sa mga minimum wage earners sa Region IV-A (Calabarzon) at Region VII (Central Visayas).

Ayon sa DOLE, inaprubahan na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ang P21 hanggang P75 increase sa daily wage ng Calabarzon.

Pinagtibay umano ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang wage order na nagtataas sa daily minimum wage sa Calabarzon ng P450 hanggang P560 para sa non-agriculture sector.


Magiging epektibo ang umento sa sahod sa Setyembre 30 o limang araw matapos ang anniversary date ng dating regional wage increase.

Samantala, sinabi ng DOLE na pinalitan naman ng RTWPB IV-A ang kategorya ng grouping ng mga lugar, base sa income classification ng local government units at pinasimple ang wage structure sa agriculture at non-agriculture sectors, gayundin sa retail establishments na nag-e-employ ng hindi higit sa 10 manggagawa.

Anang DOLE, dahil sa increase ang daily minimum wages sa non-agriculture sector ay aabot na sa P450-P560; P425-P500 sa agriculture sector; at P425 sa retail and service establishments na ang empleyado ay nasa 10 pababa.

Samantala, ang RTWPB-Region VII (Central Visayas) naman ay nagpalabas ng wage order na nag-aapruba ng P33 to P43 increase sa daily minimum wage rates sa rehiyon, simula sa susunod na buwan.


Ayon sa DOLE, ang bagong wage rates ay magiging epektibo sa Oktubre 2.

Nabatid na pinanatili naman ng rehiyon ang area-based qualifications sa kanilang lugar ngunit may single wage rate na sa agriculture at non-agriculture sectors.

“The RTWPB-VII kept its area-based classifications of Classes A, B, and C, but each class now has a single wage rate for both agriculture and non-agriculture sectors,” anang DOLE.

Napag-alaman na dahil sa increase ang daily minimum wages para sa Class A ay nasa P458-P468 to P501; P425-P430 to P463 naman para sa Class B; at P415-P420 to P453 para sa Class C.


Ang mga lugar sa Class A ay kinabibilangan ng mga lungsod ng Carcar, Cebu, Danao, Lapulapu, Mandaue, Naga, Talisay at munisipalidas ng Compostela, Consolacion, Cordova, Liloan, Minglanilla, San Fernando o Expanded Metro Cebu.

Kabilang naman sa Class B areas ang iba pang lungsod na hindi sakop ng Class A, kasama ang Bais, Bayawan, Bogo, Canlaon, Dumaguete, Guihulngan, Tagbilaran, Tanjay, at Toledo habang ang mga lugar sa Class C ay ang iba pang munisipalidad na hindi sakop ng Class A at Class B.

“The new rates for workers in private establishments translate to about 7% to 8% increase from the prevailing daily minimum wage rates in the two regions and result in a comparable 11% increase in wage-related benefits covering 13th-month pay, service incentive leave, and social security benefits such as SSS, PhilHealth, and Pag-IBIG,” ayon pa sa DOLE.

Ayon pa sa DOLE, inaasahan nilang direktang mabebenepisyuhan ng naturang wage orders ang kabuuang 1.2 milyong minimum wage earners sa mga nasabing rehiyon.

Tags: Department of Labor and Employment (DOLE)

You May Also Like

Most Read