NASUNGKIT ng magkapatid na Taguinota na sina Arvin Naeem II at Arabella Nadeen ang tatlong gintong medalya para pagharian ng Pasig City ang Batang Pinoy National Championships swimming competition na idinaos sa Ramon V. Mitra Jr. Sports Complex, Puerto Princesa sa Palawan.
Napanalunan ni Arvin Naeem II ang boys 12-13 4×50-meter medley relay kasama sina Charles Ezekiel Canlas, Jefferson Saburlase at Marcelino Picardal III para sa kanyang ikaanim na gintong medalya sa torneo na inorganisa ng Philippine Sports Commission sa suporta ng pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa na pinamumunuan ni Mayor Lucilo Bayron.
Ang mga naunang panalo ng 13-anyos ay sa 100m freestyle, 100m backstroke, 200m backstroke, 200m Individual Medley at 4x50m freestyle relay event kasama sina Ricardo Delgado, Picardal III at Saburlase.
Nagrehistro naman ang kapatid ni Arvin ni si Arabella, 16, ng bagong record sa pagwawagi sa girls 16-17 50m breaststroke.
Dinomina rin niya ang 14-17 4x50m medley relay event kasama sina Maria Zabelle Eugenio, Shinloah Yve San Diego at Maria Francesca Barretto.
Ang Pasig City ay may kabuuang 11 gold, siyam na silver at 11 bronze, habang ang Quezon City ay nakakuha ng 10 gold, 14 na silver at pitong bronze.
Pangatlo ang San Fernando City, La Union na may pitong ginto, apat na pilak at isang tanso na sinundan ng Pampanga (6-3-4), Taguig City (5-2-4), Mabalacat City (4-1-0), Naga City (4-1-0) at Malabon (4-0-0).
Dinomina ni Sophia Rose Garra ng Malabon ang girls 12-13 category na may apat na ginto, habang si Albert Jose Amaro II ng Naga City ay nakakuha ng apat na ginto sa boys’ 16-17 category.
May apat ding ginto sina Kyle Louise Bulaga ng San Fernando, La Union (girls 14-15) at FJ Catherine Cruz ng Mabalacat City (girls 16-17), habang si Ashton Clyde Jose ng Taguig City ay nakakuha ng tatlong ginto.
May kabuuang 11 record ang nasira, kabilang ang tatlo mula kay Amaro (50m, 100m at 200m freestyle) at dalawa mula kay Cruz (100m at 200m backstroke).
Ang iba pang nagwagi ay sina Jan Dwayne Malpas ng Tacloban City at Rielle Aislyn Antonio ng San Juan (12-13 50m breaststroke); Sebastien Isidore Marcelo at Riannah Chantelle Coleman ng Pampanga (14-15 50m breaststroke); Jaime Uandorr Maniago ng Quezon City (boys 16-17 50m breaststroke); Christian Isaiah Lagnason at Liv Abigail Florendo (12-13 200m freestyle) at Quezon City’s girls 12-13 4x50m medley relay at boys 14-17 4x50m medley relay teams.
Samantala, ang Pasig City ay nakakolekta ng 83 ginto, 50 pilak at 93 tanso upang manatili sa tuktok ng kabuuang medalya tally board, sa oras ng paglalahad.
Pumangalawa ang Baguio City na may 63 golds, 54 silvers at 59 silvers na sinundan ng Quezon City (49-45-45), Davao City (35-35-29) at Cebu City (28-34-29).
Ang nangungunang limang local government units ay tatanggap ng PHP5 milyon, PHP4 milyon, PHP3 milyon, PHP2 milyon at PHP1 milyon bilang incentive.