IPINAG-UTOS ng Commission on Elections (Comelec) First Division ang pagtatanggal ng suspensiyon laban sa proklamasyon ni Atty. Jeryll Harold Respicio, na nanalo sa vice-mayoralty race sa bayan ng Reina Mercedes, sa Isabela, noong May 12 polls.
Sa desisyong inilabas ng Comelec nitong Lunes, ni-lift nito ang suspension order laban sa proklamasyon at ipinag-utos rin nito ang pag-reconvene ng municipal board of canvassers sa loob ng limang araw para sa proklamasyon ni Respicio.
“After due deliberation and in consonance with the thrust of the Government to deliver basic and vital services but without prejudice to the resolution of this matter on the merits, the Order of the Commission (First Division) dated May 12, 2025, insofar as the Respondent Jeryll Harold Paz Respicio is concerned, is hereby lifted, effective immediately,” bahagi pa ng naturang ruling.
“The Municipal Board of Canvassers of Reina Mercedes, Province of Isabela, are directed to reconvene within five days from the receipt of this order for the purpose of proceeding with the proclamation of Respondent as the winning candidate for the position of Vice Mayor in the Municipality of Reina Mercedes, Province of Isabela,” anito.
Matatandaang unang ipinag-utos ng Comelec en banc ang suspensiyon sa proklamasyon ng 19 na nanalong kandidato sa midterm polls habang nakabinbin pa ang resolusyon sa mga kinakaharap nilang kaso sa poll body.
Kabilang dito si Respicio, na noong Pebrero, ay sinampahan ng Comelec, sa pamamagitan ng Task Force Katotohanan, Katapatan at Katarungan (KKK) sa Halalan, ng cybercrime charges dahil sa serye ng social media videos matapos na sabihing kaya niyang manipulahin ang resulta ng eleksiyon. Nahaharap rin siya sa isang disqualification case.
Kinuwestiyon naman ni Respicio sa Korte Suprema ang hakbang ng Comelec na suspindihin ang kanyang proklamasyon.
Gayunman, nilinaw ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na ang desisyon ng Comelec First Division ay walang kinalaman sa naturang petisyon sa Mataas na Hukuman at wala pa silang natatanggap na temporary restraining order (TRO) laban sa en banc decision.
“Itong ginawa ng Comelec ay walang relasyon sa finile sa SC. Nararapat lang — katulad ng aming ginagawa sa ibang mga kaso na nagkaroon ng suspension of proclamation — na nili-lift na ‘yung order pagkatapos pinapa-proklama nung malaman na maaaring hindi naman ganoon kabigat ang kaso na kinakaharap niya,” ani Garcia.














