HULI sa isinagawang intelligence-driven operation ang sinasabing Top 2 Most Wanted Person ng Tapaz, Capiz na si alyas “Doming, ” 42 at sinasabing sabit sa pamamaril sa isang radio broadcaster sa Roxas City.
Si alias Doming ay itinuturong may kaugnayan sa pamamaril kay Jay “Papang Jay” Lavapiez, ang 48-anyos na news anchor at station manager ng Baskog Radyo.
Naganap ang insidente noong Hunyo 22, 2026.
Pinagbabaril ng mga hindi nakikilalang salarin ang sasakyan ni Lavapiez habang patungo siya sa trabaho sa Crossing ng Costa Verde, Barangay Cagay, Roxas City. Nakaligtas ang biktima nang walang galos.
Naaresto si alyas “Doming” bandang alas-3:05 ng hapon noong Oktubre 30, 2026, sa Barangay Poblacion, Tapaz, Capiz.
Sa pahayag ni PNP Chief Police General Jose Melencio C. Nartatez, Jr., binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pag-usig sa mga kasong may kinalaman sa karahasan laban sa mga mamamahayag.
Ayon kay Nartatez, mahalaga ang kaligtasan ng mga media practitioner dahil sa kanilang papel sa pagbibigay ng impormasyon sa publiko.
Nasa kustodiya na ngayon ng Tapaz Municipal Police Station ang suspek habang isinasagawa ang kaukulang dokumentasyon at mga legal na proseso.














