Dinakip ng mga elemento ng Manila Police District -Police Station 11 ang isang lalaking tumangay ng mahigit sa P2.3 milyon matapos looban ang isang establisimiyento sa No. 815 Sto. Cristo St. Binondo, Maynila noong madaling araw ng Mayo 1.
Nasa kustodiya ng MPD-PS 11 ang suspek na si Jenney Boy Siadon, alyas Bisaya, 27,ng Gate 19 Area A Parola Compound, Tondo, Maynila. Siya ay naaresto matapos na makilala sa record ng CCTV.
Napag-alaman na may kabuuang P2, 373,270 ang natangay ng suspek pero nasa P2,148,680 lamang ang narekober na halaga ng pulisya.
Nabatid na nang maaresto ang suspek sa kanyang bahay ay kaagad nitong inamin ang krimen at nagmakaawa pa na huwag siyang ipakulong.
Itinuro rin ng suspek kung saan niya itinago ang kinulimbat na pera.
Ayon sa ulat, pinasok nito ang establisimiyento ala-1:30 ng madaling araw at kinuha ang pera sa tanggapan ng may-ari na si Helen Vistan, 55 at negosyante.
Kasalukiyang inaalam pa ng pulisya kung inside job ang ginawang panloloob dahil alam ng suspek na may malaking halaga ng pera ang nakatago sa nasabing establisimiyento.














