Latest News

Suspek na nangholdap ng 2 digital content creator habang nagawa ng music video sa tulay sa Pasig, arestado na

By: JANTZEN ALVIN

Arestado na ang isa sa dalawang suspek na nangholdap sa dalawang digital content creator habang gumagawa ng isang music video sa isang tulay sa Pasig City kamakailan.

Batay sa ulat na ipinagkaloob ni Pasig City Police chief PCOL Celerino Sacro sa Balita nitong Huwebes, nabatid na ang suspek na si Robin Bilbao, residente ng Urbano Velasco Avenue, Brgy. Pinagbuhatan, Pasig City ay nadakip na ng mga alagad ng batas sa isang follow-up operation noong Setyembre 19 lamang sa kasong paglabag sa Republic Act 9516 in relation to Omnibus Election Code.


Si Bilbao ay positibong kinilala ng mga biktimang sina Humprey Dangkulos, 19, at Johann Franz Morales, 19, kapwa residente ng Pasig City na isa sa mga nangholdap sa kanila dakong alas-3:00 ng madaling araw ng Setyembre 10, 2023 sa Vargas Bridge, Brgy. Caniogan, Pasig City.

Samantala, patuloy pa namang pinaghahanap ng mga otoridad ang isa pang suspek na si Glen Bas Almonte.


Batay sa ulat ng Pasig City Police, lumilitaw na maagang nagtungo sa tulay ang mga biktima upang gumawa ng isang music video habang kakaunti pa lamang ang mga sasakyang dumaraan sa lugar.

Gayunman, habang naghahanda sa kanilang gagawing music video, hinintuan umano sila ng mga suspek, na magkaangkas sa motorsiklo, at nagkunwaring magtatanong ng direksyon patungong Crossing.


Maya-maya ay bigla na lang umanong nagdeklara ng holdap ang mga suspek at inagaw ang bag ng mga biktima, na naglalaman ng kanilang mga camera charger, camera batteries, tripod, power bank, cell phone, camera lens, at camera bag, na nagkakahalaga ng P60,500.

Napilitan na lamang umano ang mga biktima na ibigay ang kanilang mga gamit dahil tinakot umano sila ng mga ito na kukunin ang kanilang baril.

Nang makuha ang mga gamit ng mga biktima ay mabilis nang tumakas ang mga suspek patungo sa direksiyon ng C5 Road.

Nabatid na nakuhanan naman ng mga biktima ang mga mukha ng mga salarin sa video na kanilang ginagawa nang dumating ang mga ito.

Kaagad nilang ipinaskil sa social media ang video upang makatulong na matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.

Tags: Pasig City Police chief PCOL Celerino Sacro

You May Also Like

Most Read