INIHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) officers na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang pagkakaligtas nila sa isang babaeng papaalis ng bansa na hinihinalang biktima ng ‘trafficking’ na may kaugnayan sa ‘illegal surrogacy scheme’ sa ibang bansa.
Ang 31-anyos na biktima ay nagtangka umanong umalis lulan ng Philippine Airlines flight patungong Hong Kong nitong March 30. Sinabi umano nito na siya ay isang overseas Filipino worker (OFW) at magtatrabaho bilang domestic helper sa Hong Kong.
Gayunman, napag-alaman ng mga tauhan ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) na mula Hong Kong, ang biktima ay nakatakdang magpunta sa Beijing, China at sa Tbilisi, Georgia, kung saan siya ay magiging ‘gestational surrogate mother.’
Kalaunan ay inamin nito na isang babaeng recruiter ang kumontak sa kanya sa Facebook Messenger at nag-alok ng P490,000 matapos makapanganak.
Alinsunod sa umiiral na anti-trafficking measures, ini-refer ng BI ang biktima sa IACAT para sa kaukulang ‘intervention and case development.’
Kabilan din umano sa travel documents ng biktima ang isanng liham mula sa Georgian-German surrogacy facility, kung saan nakatakda siyang sumailalim sa advanced na paggamit ng ‘in vitro fertilization (IVF)’.














