Latest News

SUPPLY NG TUBIG SA MGA SAKAHAN, TINIYAK NG PAMAHALAAN NGAYONG EL NIÑO

By: Victor Baldemor Ruiz

SINISIGURO ng National Irrigation Administration (NIA) na may sapat na suplay ng tubig pang-irigasyon sa mga sakahan matapos ang ginawang pakikipag pulong nina NIA Acting Administrator Engr. Eddie G. Guillen, kasama ang Deputy Administrator for Engineering and Operations Sector na si Engr. C’zar M. Sulaik, sa National Disaster Risk Reduction Management Council.

Humarap ang pamunuan ng NIA kay Department of National Defense (DND) Officer-in-Charge at NDRRMC Chairperson Carlito Galvez Jr. para talakaying kung paano mababawasan ang matinding epekto ng El Niño phenomena sa ginanap na pulong ng ibat ibang ahensiya sa Office of Civil Defense New Admin Building, Camp General Emilio Aguinaldo.


Dito inilatag ni Engr. Eddie Guillen ang mga plano kasunod ng inaasahang epekto ng El Niño lalo na sa sector ng agrikultura.

Sa Inter-Agency Task Force meeting inihayag ng NIA, nagsimula na ang kanilang imbentaryo sa mga sakahang maaring tamaan ng El Niño lalo na sa mga malalayo sa ilog na nakikitang magkakaroon ng kakulangan sa patubig.

Ito umano ang magiging prayoridad ng mga gagawing interbensyon ng nasabing ahensiyang patubig.


Para sa panahon ng pagtatanim nitong April 2023, aabot sa 24,672.78 hectares sa Mindanao Regions ang sumailalim na sa land soaking at land preparation.

Umaasa rin ang NIA na malalampasan nito ang target ng mga mapapadaluyan ng tubig ngayong planting season.


Mayroon namang 1,212,417.13 hectares na sakahan ang kinakailangang masuplayan ng tubig irigasyon para sa unang bahagi ng Agosto 2023 at sa April 2024.

Ayon sa ulat ng NIA, para sa Dry Cropping Season na nagsimula noong Nobyembre 2022, may kabuuang 1,250,078.82 ektarya ang natubigan, na lumampas sa programmed area na 1,212,888.39 ektarya ng 3.07%.


Mula sa irigasyon, 1,240,235.95 ektarya na ang naitanim at matagumpay na naani ang 757,163.97 ektarya. May 9,842.87 ektarya ang natitira sa ilalim ng pagbabad/paghahanda ng lupa. Gayunpaman, 315.59 ektarya ang hindi natuloy sa pagtatanim dahil sa mga nasirang pasilidad ng irigasyon dulot ng ilang bagyong naganap noong nakaraang taon.

Ang Projected Programmed Area para sa CY 2024 Dry Crop ay 1,212,417.13 para sa parehong National Irrigation Systems (NISs) at Communal Irrigation Systems (CISs). Ang paghahatid ng tubig ay magkakaroon ng maagang pagsisimula sa Agosto 25, 2023 at sa susunod na pagsisimula ng Abril 14, 2024.

Sinabi ni Eddie G. Guillen, patuloy na binibigyan ng NIA ang mga Pilipinong magsasaka ng mahusay na pamamahagi ng tubig upang mapabuti ang produksyon ng agrikultura at makapag-ambag sa seguridad ng pagkain sa bansa.



“Kami ay patuloy na magsisikap tungo sa pagbuo ng mahusay at napapanatiling sistema ng irigasyon para sa mga magsasaka,” dagdag ni Guillen .

Tags: National Irrigation Administration (NIA)

You May Also Like