INIHAYAG ni Mayor Honey Lacuna na hangga’t nasa likuran niya ang mga kaalyadong Kongresista, ang pamahalaang-lokal ng Maynila at mga residente ng lungsod ay nakatitiyak na matutugunan ang kanilang mga pangangailangan, sa kabila ng P17.8 bilyong utang na iniwan ni dating Mayor Isko Moreno.
Kaugnay niyan ay nagpasalamat si Lacuna kay Congessman Joel Chua (3rd district) sa pagtulong nito sa kanyang administrasyon sa pagbibigay ng iba’t-ibang uri ng ayuda sa may 500 pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa sunog sa Barangay 310, Sta. Cruz, Manila kamakailan lamang.
Kasama ni Lacuna sina Chua at Vice Mayor Yul Servo, gayundin ang city councilors, sa ginanap na pamamahagi ng financial assistance, relief goods, hygiene kits at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga nabiktima ng nasabing sunog.
“Ang pag-asang dala ng bawat tulong na ating binibigay ay patunay ng malasakit ng pamahalaan sa bawat pamilyang nangangailangan sa oras ng sakuna. Patuloy tayong magiging katuwang sa kanilang muling pagbango,” ani Lacuna.
Samantala, daan-daang mag-aaral sa high school ang kasalukuyang nakikinabang sa Career Guidance Advocacy Program ng Manila city government.
Ayon kay Lacuna, ang pinakahuling bilang ng nakinabang sa nasabing progama ay ang 300 na mag-aaral mula sa Tondo High School.
Npag-alaman na ang lokal na pamahalaan sa ilalim nina Lacuna at Servo ay nagpapatupad ng nasabing programa sa pakikipagtulungan ng Public Employment Service Office at ng Department of Labor and Employment, Division of City Schools of Manila pati na ang mga pinuno ng mga paaaralan sa lungsod.
Ani Lacuna, ang orientation program ay isinasagawa upang magabayan ang mga mag-aaral mula senior high school, kung anong direksyon ang kanilang tatahakin tulad ng pagtutuloy sa kolehiyo, pagtatratabaho at pagsisimula ng sariling negosyo.
May 700 mag-aaral naman Justice Jose Abad Santos Senior High School ang latest na sumailalim sa nasabing orientation.