Congratulations sa pamunuan ng Bureau of Customs-NAIA na pinamumunuan ni NAIA District Collector Atty. Yasmin Mapa sa sunod-sunod na pagkakasabat sa mga iligal na drogang tinatangkang ipuslit papasok ng Pilipinas.
Pinakahuli ang mahigit 67.3 milyon pisong halaga ng shabu mula Africa na nasa isang package na idineklara bilang ‘spare parts’ na nadiskubre sa isang warehouse sa NAIA Complex ng customs examiner na si Garry Burgos, matapos itong idaan sa x-ray machine at upuan ng K9 unit.
Arestado din ang may-ari ng shipment na isang 40-anyos na babaeng beautician at residente ng San Andres Ext., Sta Ana, Manila.
Nito lamang Nobyembre 9 ay nakasabat din ang grupo ni Yasmin ng papasok na express cargo na naglalaman ng ecstasy na nagkakahalaga ng mahigit sa P1.6 million.
Bago niyan, noong Setytembre ay P15-milyong halaga naman ng iligal na droga ang natimbog ng BOC-NAIA na nakalagay sa sampung abandonadong parcel sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Domestic Road, Pasay City.
Ang unang batch ng droga na liquid marijuana ay natagpuan sa limang abandonadong parcel at ang ikalawang parcel ay naglalaman naman ng 8,446 piraso ng ecstasy tablets at 924 grams ng raw materials na nagkakahalaga ng P14,358,200.
Sa ulat na tinanggap ni Mapa, ang liquid marijuana ay mula Taipei, Taiwan, Ireland at Malaysia na naka-consign sa mga taong nakatira sa Dumaguete, Talisay City, Zamboanga City, Misamis Oriental at Loyola Heights, Quezon City.
Ang five parcels naman na naglalaman ng ecstasy tablets ay galing umano sa France, Amsterdam at Netherlands at naka-consign sa mga residente ng Caloocan City, Laging Handa Villaruel Street, Metro Manila at Molino 6 in Bacoor, Cavite.
Noong Agosto, P45 milyong halaga naman ng droga ang nakumpiska na idineklara bilang mixed nuts at mga buto o ‘seeds.’
Nakalagay din ang mga ito sa isang abandoned parcel mula South Africa na dumating noong March 4, 2023 lulan ng Emirates Air at ipinadala ng isang Michael Mobida ng Kempton Park, Johannesburg, South Africa.
Naka-consign ito sa isang Wilbert Dee at naglalaman ng 6.750 kilograms ng shabu na may kabuuang halagang P45.9 milyon. Inihalo ang droga sa anim na plastic pouches ng nuts at tatlong pouches ng pumpkin seeds at nuts na pawang inihalo sa assorted fabric placemats, pillow cases at blankets.
Noong Mayo 17, 2023 naman ay P18-milyong halaga ng sahabu ang natagpuan sa abandonadong luggage sa NAIA Terminal 1, nang bagong-upo pa lamang si Mapa.
Dumating ang naturang luggage noong December 24, 2022 mula Addis Ababa via Bangkok at walang may-ari na kumuha nito.
Sa ginawang pagsusuri ay nakita sa loob nito ang 2.8 kilo ng shabu na inihalo sa mga lumang damit, bag at range tools.
Maraming dapat ipagpasalamat ang mga Pilipino sa mga ganitong klaseng trabaho ng BOC-NAIA.
Isipin na lamang natin kung nakalusot ang mga ito sa NAIA? Ilang buhay ang sisirain ng mga iligal na drogang ito? Kaya mabuti na lamang at ginagampanan nang maige ng mga tauhan ng BOC-NAIA, sa pamumuno ni Atty. Mapa, ang kanilang sinumpaang trabaho.
* * *
Maaaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.














