Latest News

Sunog sa Taguig at Maynila: 4 nalitson

NASAWI ang isang katao habang dalawa ang nasugatan sa nangyaring sunog sa bahagi ng Antipolo Street corner Leonor Rivera Street sa Sta. Cruz, Maynila.

Kinilala ang nasawi na si Rogelio Esteron, 55, at isang Filipino-Chinese.

At kinilala naman ang mga nasugatan na sina Rosalina Perez at Leonardo Pavilar.

Nagsimula ang sunog 7:07 ng umaga nitong Linggo sa kwarto ng isang Eric Familiar sa isang lumang two-storey apartment building.

Makalipas lang ang apat na minuto itinaas sa ikalawang alarma ang sunog.

Kwento ng ilan nitong kapitbahay, nasalubong pa nila paakyat sa kanyang apartment ang biktima at nagdire-diretso sa kanyang kwarto kahit sinabihan na nila ito na may sunog.

Bagong lipat lang anila sa naturang apartment ang biktima.

Iniimbestigahan naman ng BFP ang isang Leonardo Reboses na umano’y may problema sa pag-iisip at siyang magsimula ng sunog.

Sa report, 30 bahay pa ang nadamay sa sunog kung saan apektado ang nasa 80 pamilya.

Idineklarang fire under control ang sunog 11:04 ng umaga.

Samantala, patay ang 33-anyos na ina at dalawang anak habang sugatan ang isang senior citizen sa sunog na tumupok sa 50 kabahayan nitong Sabado (Abril 2) sa Taguig.

Kinilala ng Taguig City Bureau of Fire Protection (BFP) ang mga nasawi na sina Ivy Berde; at ang kanyang dalawang anak na sina Chris Vynyrd Mata, 3; at Chris Jhayvien Mata, 2, mga residente ng Sta. Barbara Street, Barangay Calzada, Taguig City.

Sugatan naman ang nagmamay-ari ng bahay na si Obdulia Delos Santos, 62, na agad na isinugod sa pinakamalapit na ospital upang mabigyan ng karampatang lunas ang kanyang tinamong sugat at paso sa katawan.

Base sa imbestigayon ng Taguig BFP, nagsimula ang sunog sa bahay ni Delos Santos 9:49 ng umaga.

Ayon sa mga saksi, mayroong nag-spark sa bahay ni Delos Santos at dahil gawa lamang sa light materials ang mga bahay sa lugar mabilis na kumalat ang apoy na nakaapekto sa 100 pamilya at 150 indibidwal na nawalan ng kanilang tirahan.

Sa panayam sa biyenan ni Berde na si Esper Mata, nagawa pa umanong ibigay sa kanya ni Ivy ang kanyang 4-buwang anak at binalikan pa sa ikalawang palapag ang naiwang dalawa pang anak ngunit hindi na rin nakalabas ito dahil sa naglalagablab na apoy na mabilis na tumupok sa kanilang bahay.

Naapula ang apoy 11:03 ng umaga at idineklara naman ang fire out ng 11:59 ng tanghali.

Nagkakahalaga ng P350,000 ang pinsala ng ari-ariang natupok ng apoy samantalang patuloy pa ring iniimbestigahan ng arson probers ang sanhi ng naturang sunog.

Tags:

You May Also Like

Most Read