Isang lalaki ang sugatan matapos na magtamo ng mga ‘minor burns’ sa magkabilang braso habang 14 na bahay ang naabo, matapos sumiklab ang isang sunog kahapon ng umaga sa 1883 A. Francisco St., Brgy 790, Zone 85, Sta. Ana,Maynila.
Kinilala ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP) ang biktima na si Aival Abiva, 27, nakatira sa dalawang palapag na bahay na pinagmulan ng sunog. Nalapnos ang magkabilang braso nito nang tangkaing magligtas ng kanyang mga kagamitan.
Sa ulat ng BFP, nagsimula ang sunog alas-10:53 ng umaga na umabot sa ikatlong alarma at idineklarang ‘fire out’ alas- 11:50 ng umaga.
Apektado umano sa naganap na sunog ang may 14 na pamilya at itinaya ng BFP na umabot sa P1.2 milyon ang halaga ng napinsalang ari-arian.
Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng arson division sa sanhi ng sunog.














