MAY 110 pamilya ang nawalan ng tahanan sa isang sunog na sumiklab sa isang residential area sa Sampaloc, Maynila Lunes ng umaga, kung saan dalawang volunteer firefighters ang nasugatan.
Ang pagkakakilanlan ng mga biktima ay hindi muna ibinunyag ng otoridad.
Sa paunang ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-10:25 ng umaga nang magsimulang sumiklab ang sunog sa ikatlong palapag ng isang tatlong palapag na bahay sa Matimyas Street sa Sampaloc na pagma-may-ari umano ng isang Ruben Ologenio at inookupa naman ng mag-asawang Felisa at Ricardo Payumo at isang Angelito Obemio.
Mabilis umanong kumalat ang apoy sa 50 kalapit na tahanan na karamihan ay gawa lamang sa light materials.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago naideklarang ‘under control’ alas-11:37 ng umaga at tuluyang naapula dakong ala-1:05 ng hapon, ayon sa BFP.
Hindi umano bababa sa 110 pamilya o 330 indibidwal ang nawalan ng tahanan sa naturang sunog.
Nasa P115,000 ang halaga ng mga ari-ariang nasira habang inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng apoy.














