SUNOG SA MALATE, DALAWANG BUMBERO, 1 FIRE VOLUNTEER, SUGATAN

By: Baby Cuevas

DALAWANG bumbero at isang fire volunteer ang nasugatan nang tamaan ng sunog kahapon ng madaling araw ang isang business-residential area sa Pasaje De Galban Street sa Brgy., 724 Zone 79, Malate, Maynila kung saan isang kapilya din ang nadamay.

Ayon sa Manila-Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog alas-12:21 ng madaling araw nitong Lunes ng madaling araw na umabot sa ikatlong alarma at naideklarang ‘fireout’ alas-3:30 ng madaling araw.

Napag-alaman kay Senior Superintendent Christine Cula, District Fire Marshal ng BFP-Manila, na nasa maayos nang kondisyon ang dalawang bumbero at isang fire volunteer matapos mabigyan ng lunas habang mabilis na kumalat ang apoy dahil pawang yari sa kahoy ang mga bahay.


“So far, ‘yung number of establishments, umabot ng lima. Meron tayong kapilya na nadamay, ‘yung iba ay mga paupahan at bahay naman. Third alarm [ang sunog] kasi medyo masisikip ang area natin at kailangan natin ng mas maraming tubig” ayon kay Cula.

Ayon sa BFP, nag-umpisa ang apoy sa isang bahay na nasa gitna ng residential area.

Di na nagbigay pa ng pahayag ang pari sa chapel na nadamay pero tulong- tulong na ang mga residente sa pagsalba sa mga imahen na nasa loob ng chapel.

Ayon sa ilang seaman na nagrerenta sa lugar, nakakita sila ng ‘electric spark’ sa kisame mula sa isa sa mga bahay sa lugar bago ang sunog.


Napag-alaman na aabot sa 10 pamilya o 30 indibidwal ang nawalan ng tirahan sa nasabing sunog.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng arson division ang sanhi ng sunog, habang tinatayang aabot ng P500,000 ang structural damage na nilikha nito.

Tags: Manila Bureau of Fire Protection.(BFP)

You May Also Like

Most Read