Sinadya umanong sunugin ang dalawang palapag na bodega kamakalawa ng madaling araw sa Sampaloc, Maynila, matapos na madiskubre na ilang armadong kalalakihan ang pumasok sa bodega at itinali ang mga kamay ng caretaker bago tumakas.
Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), patuloy na iniimbestigahan ang P6 milyon halaga ng damage sa naganap na sunog sa bodega na pag-aari ng Tsinoy na si Anthony Chua na naganap dakong alas- 2 ng madaling araw.
Sinabi ng 21-anyos na lalaking caretaker na natutulog siya nang dumating ang ilang armadong kalalakihan,ginising siya at itinali ang kanyang mga kamay.
“Di ko na sir na alam sir kasi mga naka face mask, nakapang takip ng mukha po eh. Anim or limang motor lang yung nakita ko. May nakatapak sa akin. Tapos pag sinabi nilang ‘tara na, tara na.’ Yung pinakaramdam ko, sila na parang wala lang. Saka na ako lumabas kasi may apoy na siya, malaki na po eh,” ayon sa kanya.
Nagawa umano nitong makatakas, gayundin ang kanyang mga kasamang caretaker.
Wala umano ang kanilang employer nang maganap ang insidente at hindi rin umano gumagana ang CCTV camera nang mangyari ang sunog.
Samantala, sinabi ni Brgy Captain Danilo Tibay na sobrang malaki na ang sunog nang kanilang nakita at meron pang sumabog.
“Ayon sa BFP, naapula ang sunog alas- 5:28 ng umaga matapos na umakyat sa ikalawang alarma kung saan may tatlong kabahayan ang nadamay sa sunog.














