DEAD-on-the-spot ang isang off-duty Philippine Army soldier habang nasa malubhang kalagayan naman ang kasamahan nito, matapos silang tambangan ng mga armadong kalalakihan sa Sitio Sandakan, Barangay Dalumangcob, Sultan Kudarat.
Sa natanggap na ulat ni Police Lt. Col. Julhamin Asdani, hepe ng pulisya ng Sultan Kudarat sa Kampo Crame, kinilala ang napatay na sundalo na si Staff Sgt. Darwin Alaba ng Army’s 1st Brigade Combat Team.
Kasalukuyan namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang sugatang sundalo na kinilalang si Pfc. Erwin Villa.
Ayon kay Asdani, lulan ng motorsiklo ang dalawang sundalo patungong Cotabato City nang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan.
Hinihinalang tinugaygayan ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang dalawang biktima sa kahabaan ng national highway at nang madikitan ay saka sila pinagbabaril.
Patuloy ang sinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang mga salarin.