SUMUKONG ALLEGED GUNMAN SA LAPID SLAY, HINDI “FALL GUY”

Nanindigan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na hindi “fall guy” ang sumukong alleged gunman sa Percy Lapid slay case .

Kahapon ay iniharap ni SILG Abalos sa Camp Crame ang sumukong si Joel Salve Estorial, na umano’y siyang talagang bumaril sa hard-hitting radio commentator ng DWBL na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid.


Ayon kay Abalos, naniniwala siyang si Estorial talaga ang gunman at hindi ito “fall guy” lamang base na rin sa backtracking investigation na ginawa ng mga tauhan ng PNP-NCRPO.

Bukod sa nagtugma ang baril na ginamit at ang slug ng bala na nakuha sa crime scene na nag-match sa ballistics examination ay nakuha rin sa suspek ang punit-punit na pulang jacket na kanyang isinuot noong likidahin si Lapid, na tugma sa kuha ng CCTV surveillance footages.

Sa follow-up investigation, tinututukan ngayon ng mga awtoridad ang isiniwalat ng suspek sa pamamaril na mula mismo sa loob ng Bilibid National Penitentiary ang utak sa paglikida kay Lapid.


Sa salaysay ng suspek, nasa P550,000 ang halagang ibinayad ng taong nangontrata sa kanila mula sa Bilibid na pinaghati-hatian naman aniya nila ng anim pa niyang ibang mga kasama kung saan nasa P140,000 naman daw ang kanyang natanggap na inihulog naman daw sa kanyang bank account.

Kasabay ng kanyang boluntaryong pagsuko sa mga pulis kahapon ay itinuro rin niya ang tatlo pa sa kanyang mga kasamahan na kinalala namang sina Edmon Dimaculangan, Israel Dimaculangan, at isang alyas Orly (hindi pa nalalaman ang tunay na pangalan) na umano’y nagplano kung sino ang babaril kay Lapid at kung hindi susunod ay ito ang papatayin.


Sinasabing si Estorial ang naatasang bumaril dahil siya umano ang nasa malapit sa kanilang target.

Kaugnay nito, nananawagan ang Philippine National Police (PNP) at Sec. Abalos sa mga kasabwat ni Joel Estorial na magkapatid na Dimaculangan at isang alyas Orly na sumuko at makipag-ugnayan sa mga awtoridad para sa ikalulutas ng krimen at para na rin sa kanilang kaligtasan .


Una nang nagtakada ang DILG at pulisya at mga mambabatas ng P6.5 million na reward money sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa ikakahuli ng mga suspek sa pagpatay kay Lapid.

Nabatid na kusang sumuko si Estorial sa pulisya sa tulong ng isang taong may kakilalang pulis dahil sa takot para sa kanyang kaligtasan matapos na ilabas ng mga kinauukulan sa publiko ang kaniyang larawan. ”

“Kayong magkapatid, ako’y nananawagan na rin, sumuko na ang gunman. Mas mabuting sumuko na rin kayo, dahil talagang naramdaman niya mismo na delikado ang buhay niya. At baka iyon din ang mangyari sa inyo,” panawagan ni Abalos.



“This is a major breakthrough… This is great police work, binaktrack po iyan, tiniyaga iyan ng ating kapulisan,” anang kalihim kasabay ng pagbibigay papuri kina Southern Police District Director Police Colonel Kirby John Brion Kraft at National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Jonnel Estomo. (VICTOR BALDEMOR)

Tags: DILG Secretary Benhur Abalos

You May Also Like

Most Read