HAWAK na ngayon ng PNP-Police Regional Office 5 ang magsasakang sumaksak at nanaga sa mag ina sa San Pascual, Masbate nang mahuli ito ng mga tauhan ni Bicol PNP chief PBGen, Jonnel C Estomo.
Ayon kay P/Major Malou Calubaquib sa utos ni General Estomo, agad na nadakip ng mga operatiba mula San Pascual MPS ang naghurumentadong si Felipe Rosaciña y Cuyos, 58 anyos na magsasaka ng Sitio Cabugao, Brgy. Ki-Romero, San Pascual, Masbate.
Mabilis na rumesponde ang mga pulis kasunod ng ulat na kanilang natanggap hinggil sa naganap na pananaga at pananaksak sa mag inang sina Praxedio Rosales y Olinares 25 taong gulang at 60 anyos na si Praxedes Rosales y Olinares na kapwa nagtamo ng mga grabeng sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa Report ng Masbate Police Provincial Office, lumilitaw sa kanilang pagsisiyasat na naka-upo sa balkonahe ang mag ina nang biglang sumulpot ang suspek at pinagsasaksak at pinagtataga ang dalawang biktima.
Mabilis na tumakas ang suspect subalit nadakip ito sa isinagawang hot pursuit operation ng mga tauhan ni Gen Estomo sa tulong na mga barangay officials sa Sitio Suba, Brgy. Ki-Romero, San Pascual, Masbate.
Ayon kay Maj Calubaquib , aminado naman ang suspek sa kanyang ginawa at ngayon ay nakakulong sa San Pascual MPS detention cell habang inihahanda ang kaukulang kasong kakaharapin nito.
Samantala , kasalukuyang na intensive care unit ang lalaking biktima habang ang ina nito ay patuloy na ino-obserbahan pa ang kondisyon.
“Our personnel will always do its best to ensure the safety of victims and suspects alike in critical situations like this incident”, ani Gen Estomo. (VICTOR BALDEMOR)














