Latest News

Sugatang Terorista, Arestado; Kagamitang Pandigma, Nakumpiska ng Militar

By: Victor Baldemor Ruiz

CAMP SIONGCO, Awang, DOS, Maguindanao del Norte – Isang miyembro ng lokal na teroristang grupong Dawlah Islamiyah – Hassan Group ang naaresto ng tropa ng 1st Brigade Combat Team (1BCT) matapos itong masugatan sa engkwentro na naganap alas-5:40 ng umaga nitong Hunyo 22, 2025 sa Barangay Alamada, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Kinilala ang nadakip na si Kamsa Budjal, na kilala rin sa mga alyas na Ustads, Ali at Oding. Si Budjal ay miyembro ng DI-Hassan Group, isang kilalang extremistang armadong grupo, na may kaunti na lamang na bilang – dahil sa mas pinalakas na opensiba ng militar laban sa kanila.


Ayon kay Brigadier General Jose Vladimir Cagara, Commander ng 1BCT, si Budjal ay sugatan nang siya ay madakip matapos ang inilunsad na operasyon ng kasundaluhan na nagresulta sa palitan ng putok sa pagitan ng kanyang grupo at ng tropa ng pamahalaan.

Samantala, pinuri naman ni Major General Donald Gumiran, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at pinuno ng Joint Task Force Central, ang tagumpay ng operasyon.

“Ipinakita ng ating tropa ang mataas na antas ng propesyonalismo at dedikasyon sa serbisyo. Ang matagumpay na operasyong ito ay isang panibagong hakbang sa ating patuloy na pagsugpo sa terorismo at pagprotekta sa ating mga mamamayan. Sa mga natitirang miyembro ng teroristang grupo, panahon na upang isuko ninyo ang inyong armas at mamuhay ng mapayapa. Nasa kamay ninyo ang pagkakataong magbago at makiisa sa ating adhikain para sa kapayapaan ng rehiyon,” pahayag ni Gumiran.


Tags: Dawlah Islamiyah – Hassan Group

You May Also Like