Ngayon pa lamang ay umaabot na sa 142 ang kabuuang bilang ng mga firework-related incidents (FWRI) na naitala ng Department of Health (DOH) sa bansa, matapos na madagdagan pa ng 17 bagong kaso, ilang araw bago ang pagsalubong sa Taong 2025.
Sa datos ng DOH, na ibinahagi nitong Linggo, nabatid na ang naturang bilang ay naitala nila mula Disyembre 22 hanggang 6:00AM ng Disyembre 29, 2024
Mas mataas ito ng 35% kumpara sa 105 total cases lamang na naitala ng DOH sa kaparehong petsa noong nakaraang taon.
Sa kabuuang 142, nasa 127 ang mga lalaki habang 15 naman ang babae.
Ang 115 naman sa mga biktima ay nagkakaedad ng 19-taong gulang pababa habang 27 ang nagkakaedad ng 20-taong gulang pataas.
Ang 104 sa mga biktima o 73% naman ay nasugatan dahil sa ilegal na paputok gaya ng boga, 5-star at piccolo.
Ang 85 naman sa kanila o 60% ay aktibong gumamit ng paputok kaya’t nadisgrasya.
Kaugnay nito, muli namang nagpaalala ang DOH sa publiko na huwag magpaputok at ilayo ang mga bata sa panganib na dulot nito.
Mas makabubuti rin umano kung gagamit na lamang mga alternatibong pampaingay gaya ng torotot at musika.
“Ang paputok ay delikado, mas lalo sa mga bata at menor de edad. Sumasabog ang mga ito at maaring makapinsala sa katawan ng tao. Huwag hawakan ang anumang bagay na sumasabog, dahil ito ay nakamamatay o nakakasugat,” babala pa ng DOH.
Dagdag pa nito, ipagbigay-alam kaagad sa mga awtoridad sakaling mayroong nagpapaputok sa pampublikong lugar.
Sakali naman umanong mangailangan ng tulong, maaaring tumawag sa 911 emergency hotline o 1555 DOH emergency.














