IKINAGALAK ng pamunuan ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas ang ibinabang kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na dagdagan ang subsistence allowance ng mga military personnel kada araw mula sa P150 ay ginawa itong P350 pesos kada araw.
Batay sa Executive Order No. 84, itinaas sa P350 kada araw ang subsistence allowance ng mga military personnel mula sa dating P150, epektibo simula January 1, 2025.
Base ito sa isinumiteng rekomendasyon ng Department of National Defense at Department of Budget and Management.
Napag-alaman na 2015 pa nang huling nagkaroon ng adjustment ang subsistence allowance ng Armed Forces of the Philippines o AFP na paminsan- minsan ay nababawasan pa kapag napagkasunduan ng kasundaluhan na magbigay ng donasyon sa mga kababayang biktima ng kalamidad.
Nakasaad sa EO na hindi na sapat ang kasalukuyang allowance upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga sundalo.
Makikinabang sa dagdag allowance ang mga opisyal at enlisted personnel ng AFP, pati na rin ang mga trainees, probationary 2nd lieutenants, mga miyembro ng CAFGU at mga kadete.
Huhugutin ang pondo para dito mula sa available appropriations ng AFP sa ilalim ng General Appropriations Act of 2025 at iba pang matutukoy ng Department of Budget and Management na maaaring mapagkukunan ng pondo, ayon kay Pangulong Marcos, Jr.
Ang karagdagang subsistence allowance para sa mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines ay kailangan “to protect and promote their welfare, in recognition of their sacrifices and perseverance, in defending and upholding the country’s sovereignty and territorial integrity.”