Mayroon mang inilabas na subpoena ang Department of Justice (DOJ) laban sa suspendidong Bureau of Corrections director- general na si Gerald Bantag kaugnay sa pagkakasangkot nito sa pagkamatay ng broadcaster na si Percy Lapid at ng middleman sa krimen na si Jun Villamor.
Kaugnay nito,binuo na rin ang three-man panel na magsasagawa ng preliminary investigation na kinabibilangan nila Deputy State Prosecutor Olivia Torrevillas, Senior Assistant State Prosecutors Josie Christina Dugay at Charlie Guhit.
Una nang pinag-isa ng DOJ ang tatlong kasong murder na isinampa laban kina Bantag at sa self-confessed gunman na si Joel Escorial.
Kasamang kinasuhan ni Bantag sa pagpatay kay Lapid sina BuCor Deputy Security Officer Ricardo Zulueta, inmate na sina Denver Batungbakal Mayores, Alvin Cornista Labra, Aldrin Micosa Galicia at Alfie Penaredonda.
Habang sa pagpatay naman sa middleman na si Villamor ay ang PDLs na sina Christian Dizon Ramac, Ricky Lamigo Salgado, Ronnie Pabustan Dela Cruz, at Joel Alog Reyes.
Itinakda ng DOJ sa Nobyembre 23 ang preliminary investigation.
Samantala,iginiit ni Bantag na hindi siya susuko kahit na mayroon nang inilabas na warrant of arrest laban sa kanya hanggang hindi nagbibitiw bilang Kalihim ng DOJ si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Sinabi ito ni Bantag bago pa man nagpalabas ng subpoena ang DOJ laban sa kanya.
“Bakit ako susuko? E di niluto na naman nila ako,” ayon kay Bantag.
Inakusahan ni Bantag na minanipula ni Remulla ang kaso laban sa kanya at pinupulitika lang daw siya ni Remulla.
Ayon pa kay Bantag, Agosto pa lamang ay alam na niyang papalitan na siya ni BuCor OIC Gregorio Catapang ,Jr. Kinumpirma rin ni Bantag na nag-alok na siyang magbitiw. (Jantzen Tan)