PINAPLANO ng pamunuan ng Philippine Ports Authority (PPA) ang pagtaas ng storage fee sa mga pantalan para sa mga nakatenggang kargamento sa Manila International Container Terminal (MICT).
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, inaabuso na ng maraming negosyante ang storage policy ng PPA at hinayaan lamang na manatili ang kanilang napakaraming container sa pier.
Lumilitaw din sa pag-aaral na nakagawian na umano ng mga negosyante/importer na panatilihin na lamang muna ang kanilang mga container sa MICT kaysa dalhin ang mga ito sa warehouse, matapos ang clearance ng Bureau of Customs.
Pinag-aaralan ng PPA ang mga isasagawang konsultasyon sa hanay ng mga stakeholders upang mapag-desisyunan ito sa lalong madaling panahon.
Naniniwala si Santiago na ang pagtaas ng storage fee ay susupil sa mga negosyante sa kanilang modus, maliban pa sa dagdag na koleksyon para sa gobyerno.
Napag-alaman rin na umaabot lamang sa P600 kada araw ang bayad sa MICT habang sa mga warehouse ay naglalaro ang bayad mula P3,500 hanggang P5,000 kada araw.
Sa kasalukuyan ay sinasabing mayroong mahigit 700 containers ang nakatengga lamang sa Pier at karamihan ay idineklara bilang mga agricultural commodities.
Posible aniyang sinasadya na rin ito ng mga importer habang hinihintay nila ang pagtaas ng presyo ng mga naturang produkto bago pa ilabas sa merkado.
Ayon kay Santiago, maituturing ito bilang simpleng hoarding, bagay na kailangan na umano ng agarang aksyon kasama ng iba pang ahensya ng pamahalaan.