TAHASANG pinabulaanan ng pamunuan ng Philippine Army ang umano’y kasinungalingan ipinakalat ng National Democratic Front at ng isa nilang organisasyon na Bagong Alyansang Makabayan o Bayan na isang NDF consultant ang dinukot at pinatay ng militar kasama ng isa pang magsasaka sa Barangay Camansi, Kabankalan Negros Occidental.
Malaking kasinungalingan umano ang ipinakalat ng isang Ka Bayani Obrero na nagpapakilalang CPP-NDF-NPA Spokesperson sa Negros Island hinggil sa pagkamatay ng Communist Terrorist Group ranking leader Ericson Acosta at isa pang kasamahan nito na isa ring NPA.
Hindi umano maikakaila na napatay si Ericson Acosta at kasamahan nito sa naganap na lehitimong engkwentro.
Ang pahayag ng NDF-Negros na si Ericson Acosta ay isang consultant na nagtatrabaho sa CASER ay kasinungalingan at isang propaganda ploy lamang para painitin ang kanilang mapanlinlang na kuwento.
Nauna nang iniulat na may napatay na dalawang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa isang engkwentro sa pagitan ng Philippine Army at mga rebelde sa Barangay Camansi.
Ayon kay Renato Reyes ng grupong Bayan, walang naganap na sagupaan. Batay umano sa statement ng National Democratic Front (NDF)-Negros, dinukot muna Si Acosta bago pinatay kasama ang isang magsasaka.
“It is nothing but a hollow, empty, and over abused propaganda line aimed at self-deception on the part of the CPP-NDF-NPA”, ayon pa sa militar. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)